PUMASOK NA FDI SA PH BUMABA ($9.2-B noong 2022)

BUMAGSAK ang foreign direct investment (FDI) na pumasok sa bansa para sa buong 2022 sa gitna ng mataas na inflation at pagbagal ng global economy, ayon sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP).

Sa datos ng central bank, ang FDI net inflows mula January hanggang December noong nakaraang taon ay umabot sa $9.2 billion, bumaba ng 23.2% mula $12 billion net inflows na naitala noong 2021.

“Notwithstanding the country’s sustained growth momentum, FDI net inflows decreased in 2022 due to the extended global slowdown and high inflation, which adversely affected investor decisions,” ayon sa BSP.

Ang FDI ay ang investment ng isang foreign o non-resident direct investor sa isang resident enterprise, na ang equity capital sa huli ay hindi bababa sa 10% ng investment na isinagawa ng isang foreign subsidiary/associate sa resident direct investor nito.

Ang FDI ay maaaring sa anyong equity capital, reinvestment of earnings, at borrowings.

Sa buwan lamang ng December 2022, ang FDI net inflows ay nasa $634 million, bumaba ng 76.2% mula $2.7 billion net inflows noong December 2021.

“The decline in FDI during the reference month was due largely to base effect, particularly given the significantly larger net placements of equity capital in December 2021,” ayon pa sa central bank.

Malaking bahagi ng equity capital placements na nagmula sa Singapore, Germany, at Japan ay inilagak sa manufacturing at real estate industries sa naturang buwan.