BUMABA ang foreign direct investments (FDI) na pumasok sa Pilipinas sa five-month low noong Marso makaraang magposte ng 15-month high noong Pebrero, ayon sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP).
Sa datos ng BSP, ang FDI net inflows ay nasa $686 million noong Marso, bumaba mula $1.366 billion noong Pebrero, ngunit mas mataas kumpara sa $557 million na naitala sa kaparehong buwan noong 2023. Ang FDI noong Marso ang pinakamababa sa loob ng limang buwan o magmula noong Oktubre 2023 nang maitala ang $670 million.
Nahulog naman ang net equity other than reinvestment of earnings sa $157 million mula $764 million noong Pebrero, kung saan ang gross capital placements ay pangunahing nagmula sa Japan na may 64%, Singapore na may 16%, at United States na may 10%.
Karamihan sa gross placements ay ipinuhunan sa manufacturing industry na bumubuo sa 66%, financial and insurance na may 14%, at real estate na may 11%, habang ang other industries ang bumubuo sa nalalabing 9%.
Samantala, bahagyang bumaba ang reinvestment of earnings sa $64 million mula $66 billion noong Pebrero, habang ang net debt instruments ay nahulog sa $465 million mula $545 million sa naunang buwan.
Year-to-date, ang FDI net inflows ay nasa $2.969 billion, tumaas ng 42.1% mula $2.090 billion sa kaparehong panahon noong 2023.
“FDI increased during the quarter on the back of the country’s strong growth prospects and moderating inflation,” pahayag ng BSP.
Ang ekonomiya ng Pilipinas ay lumago ng 5.7% sa first quarter, habang ang inflation ay may average na 3.3% sa unang tatlong buwan ng taon, pasok sa target range ng pamahalaan na 2.0% hanggang 4.0%. Ang May inflation ay naitala sa 3.9%, na naghatid sa year-to-date average sa 3.5%.
Ayon pa sa datos ng central bank, ang net equity investments ay nagposte ng year-on-year growth na 248.5% sa $910 million mula $261 million, kung saan karamihan sa placements ay nagmula sa Netherlands na may 68%, at Japan na may 21%.
Ipinadaloy sila sa financial and insurance industry na may 71%, manufacturing na may 16%, at real estate na may 5%. Ang other industries ang bumubuo sa nalalabing 8%.
LIZA SORIANO