PUMASOK NA FDIs SA PH BUMABA($626-M noong Setyembre)

FOREIGN INVESTMENTS-3

BUMABA ang foreign direct investments (FDIs) na pumasok sa bansa noong Setyembre, ayon sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP).

Sa datos ng BSP, ang FDI net inflows para sa buwan ay nasa $626 million, bumaba mula sa $774 million noong Agosto, at sa $680 million sa kaparehong buwan noong nakaraang taon.

“The decline in FDI net inflows reflected the decrease in non-residents’ net investments in debt instruments, which more than offset the growth in their net equity capital placements,” pahayag ng BSP.

Ang net equity placements para sa buwan ay tumaas sa $187 million mula $31 million noong Agosto at $33 million noong September 2021, kung saan karamihan ay nagmula sa Singapore, Japan, at United States.

Karamihan dito ay idinirekta sa financial and insurance; manufacturing; at real estate industries.

Samantala, bumagsak ang net debt instruments sa $351 million mula $577 million noong Agosto at $555 million sa kaparehong buwan noong nakaraang taon.

Year-to-date, ang FDI net inflows ay naitala sa $6.713 billion, bumaba ng 10.0% mula $7.462 billion sa kahalintulad na panahon noong 2021.

“FDI remained subdued amid lingering concerns on global economic slowdown, higher inflation, and the depreciation of the peso,” anang central bank.