BUMAGSAK sa 13-month low ang foreign direct investments (FDIs) na pumasok sa bansa dahil sa kaunting investments sa debt instrument noong Hunyo.
Ayon sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), ang FDIs ay naitala sa $471 million noong Hunyo, mas mababa ng 51.5% kumpara sa $971 million noong Hunyo 2021, gayundin sa $742 million noong Mayo.
Ito ang pinakamababa sa loob ng 13 buwan magmula nang maitala ang FDI net inflows sa $455 million noong Mayo 2021.
Batay sa datos ng BSP, karamihan sa naturang mga investment ay pautang na nagkakahalagang $3.34 billion.
Habang nasa $738.89 million lamang ang bagong puhunan sa mga kompanya at nasa $559.3 million naman ang kinita nila sa ibang bansa na ipinuhunan muli sa mga kompanya sa Pilipinas.
“In June 2022, FDI net inflows declined following the drop in non-residents’ net investments in debt instruments of their local affiliates due to higher repayments during the month,” sabi ng BSP.
“This muted the increase in their net investments in equity capital and reinvestment of earnings.”
Umabot sa $471 million o P26.7 billion ang pumasok na foreign investments sa bansa nitong Hunyo.