(Pumasok sa EDSA bus lane) SHOW CAUSE ORDER VS SPORTS CAR OWNER

PINADALHAN ng show cause order ng Land Transportation Office (LTO) ang may-ari gayundin sa drayber ng sports car na dumaan ng EDSA bus lane na ekslusibo lang sa mga pampublikong bus, ambulansya, at sasakyan ng gobyerno na may emergency.

Ipinahaharap ng LTO Intelligence and Investigation Division (IID) ang dayuhang may-ari ng pulang sports car at ang drayber nito sa darating na Lunes, Oktubre 24, alas-10 ng umaga.

Pinagsusumite rin sila ng sulat na nagpapaliwanag kung bakit hindi dapat masampahan ng administratibong kasong Disregarding Traffic Sign (Sec. J (2), Title I, DOTC Joint Administrative Order No. 2014-01) at kung bakit hindi dapat masuspindi o mabawi ang lisensya ng drayber dahil sa kasong Improper Person to Operate a Motor Vehicle as per Sec. 27(a) or Republic Act 4136.

Ipinaalala ng LTO na kung hindi magsusumite ng kaukulang dokumento o tugon ang mga ipinatatawag ay pagsuko ito ng kanilang karapatan na mapakinggan at ang kaso ay dedesisyunan nang naaayon sa kasalukuyang ebidensya na hawak ng IID.

“We will not tolerate this kind of intrusion into road lanes that were assigned for the exclusive use of specific types of vehicles during the state of national health emergency, which still exists today. The LTO does not and will not condone this wanton disregard for traffic laws so the owner and driver have a lot of explaining to do. We will also make sure that the appropriate penalties are applied so this won’t happen again,” diin ni LTO Chief Assistant Secretary Teofilo Guadiz III.

Ang kautusan ay nag-ugat nang pumasok umano sa linya ng EDSA bus carousel ang pulang Ferrari na ekslusibong daan ng mga public utility bus at mga sasakyan ng gobyerno, law enforcement at medical na may emergency. EVELYN GARCIA