(Pumasok sa PH noong Oktubre)$923-M NA FOREIGN DIRECT INVESTMENTS

FOREIGN INVESTMENTS PLEDGES

LUMAGO ang foreign direct investments na pumasok sa Pilipinas noong nakaraang Oktubre, na pinakamataas sa loob ng anim na buwan, ayon sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP).

Sa datos ng BSP, ang FDI net inflows ay naitala sa $923 million noong October 2022, mas mataas sa $626 million noong September at sa $868 million noong October 2021. Ito rin ang pinakamataas magmula nang maitala ang net inflows sa $1.024 billion noong April ng nakaraang taon.

“Despite the global economic headwinds, FDI net inflows rose on account of the increase in non-residents’ net investments in debt instruments and equity capital of their local affiliates,” pahayag ng BSP.

Ang pinakamalaking equity capital placements para sa buwan ay nagmula sa Japan, United States, at Singapore, na inilagak sa financial and insurance; manufacturing; at real estate sector.

Mula January hanggang October, ang kabuuang net inflows ay nasa $7.635 billion, bumaba ng 8.3% mula sa $8.3-billion net inflows sa kaparehong panahon noong 2021.

Ang equity capital placements ay inilagak sa manufacturing na bumubuo sa 30%, real estate sa 18%, financial and insurance sa 17%, construction sa 11%, information and communication sa 8%, at iba pang sektor sa 16%.

Magugunitang sinabi ng Joint Foreign Chambers of the Philippines (JFC) noong nakaraang December na target nitong makapagpasok ng $128-billion na halaga ng FDIs sa Pilipinas sa pagtatapos ng 2030 sa gitna ng legislative reforms ng bansa.