UMAABOT sa $633 milyon o mahigit sa P32 bilyon ang pumasok sa Filipi nas sa loob lamang ng anim na buwan.
Ito ang nabunyag sa pagdinig ng Senate blue ribbon committee na pinamumunuan ni Senador Richard Gordon sa umano’y money laundering, krimen at iba pang aktibidad kaugnay sa operasyon ng Philippine Gaming Operators (POGOs) sa bansa.
Ayon kay Gordon, mula Setyembre 2019 hanggang Marso 2020 ay kuwestiyonableng pumasok sa bansa ang bilyon-bilyong piso na bitbit ng 60 indibiduwal, kabilang ang Chinese at Filipino nationals na nagmula sa Singapore, Hongkong at Bangkok.
Sa pagdinig, nabanggit ang isang nagngangalang Elizabeth Rodriguez na nagpasok umano ng pera ng 58 beses na nagkakahalaga ng $42.5 milyon mula Setyembre hanggang Pebrero.
Nagtataka si Gordon kung bakit tila walang takot at kampante ang mga nagpapasok ng pera sa bansa.
Ibinunyag ng senador na ang Rodriguez group ang isa sa malaki ang naipasok na pera sa bansa at may sindikato rin, aniya, na mula sa Hongkong at Singapore.
Nauna nang ibinunyag ni Gordon sa kanyang privilege speech na pawang mga Chinese at Filipino courier ang nagpasok ng mahigit sa $447 milyon sa bansa na dumaan sa Ninoy Aquino international Ariport (NAIA) mula Setyembre 2019 hanggang Pebrero 2020 at hanggang ngayon ay nagpapatuloy pa rin umano ito.
Dahil dito, sinermunan ng mga senador ang Anti-Money Laundering Council (AMLC) dahil sa kabiguang aksiyunan ang sunod-sunod na pagpasok ng mga foreign currency sa bansa na umaabot na sa bilyong piso.
Pinuna ni Senador Franklin Drilon ang AMLC kung bakit inaabot pa ng ilang buwan bago malaman na may pinasok na bulto ng pera gayong mabilis lang na nagagawa at segundo lang ay nalulusot at nakakapasok na sa bansa ang malaking halaga.
Inamin ni Atty. Mel Georgie Racela, executive director ng AMLC, na nakatanggap sila ng report na umaabot sa 2.7 billion yen at 215 million Hong Kong dollars ang pumasok sa bansa noong 2019 na dala ng mga Chinese national na pumapasok bilang POGO employees at service providers.
Samantala, sa nakuhang report ni Gordon, simula Setyembre 2019 hanggang Marso 5, 2020 ay nasa $633 milyon ang pumasok na hinihinalang laundering.
Ayon naman kay Customs Commissioner Rey Leonardo Guerrero, nai-report na nila sa AMLC ang naturang anomalya makaraang madiskubre subalit walang naging aksiyon ang naturang council.
Dahil dito, sinabon ni Gordon si Racela kung bakit mistulang natutulog ito sa pansitan at hindi agad ipinaaresto ang naturang Chinese nationals.
Paliwanag naman ni Racela, nagsasagawa pa sila ng imbestigasyon ukol sa naturang report ngunit hindi naman ito kinagat ni Gordon.
Pinuna rin ni Senadora Imee Marcos ang paliwanag ni Racela sa naturang pagdinig.
Ayon kay Marcos, hindi siya kontento sa naging paliwanag ni Racela at tila nagpapalusot lamang ito sa pagpapabaya sa kanyang trabaho.
Nabunyag din sa nasabing pagdinig na may 240 POGO sites ang nag-o-operate sa bansa bukod pa sa mahigit 100 sites na ilegal na nag-o-operate, kabilang ang mga nasa loob ng mga eksklusibong subdivision. VICKY CERVALES
Comments are closed.