PUMATAY SA INTEL OFFICER NALAMBAT

OCCIDENTAL MINDORO-MATAPOS ang halos tatlong taon pagtatago, nasakote na rin sa wakas ang suspek sa pagpatay sa isang Intelligence officer ng Batangas PNP sa isinagawang manhunt operation kahapon sa Occidental Mindoro.

Sa pahayag ni Col. Simeon Gane Jr., Occidental Mindoro police director, kinilala ang suspek na si Jaypee Caraos, 37-,anyos, may-asawa at residente ng Taal, Batangas.

Si Caraos ay nalambat ng pinagsanib na puwersa ng Taal at Magsaysay police sa hide- out nito sa nasabing lalawigan.

Dinakip ang suspek sa bisa ng arrest warrant na inisyu ng Regional Trial Court branch 86 ng Taal Batangas na may petsang Disyembre 24, 2019.

Ayon naman kay Col. Glicerio Cansilao, Batangas PNP director, si Caraos ay nakatala bilang number 1 most wanted sa Batangas dahil sa pagbaril at pagpatay nito kay Chief Master Sgt. Robert Arriola na nakatalaga bilang Intel officer ng Alitagtag, Batangas.

Matatandaan na ang katawan at motorsiklo Sgt. Arriola ay narekober sa Barangay Bisa, Taal habang ang kanyang service firearm ay nasamsam sa mga suspek na sina Dexter at Rodolfo Caraos matapos maaresto sa isang follow up operation.

Napag-alaman na nag-iinuman ang mga suspek sa isang tindahan sa Taal nang mapadaan si Arriola lulan ng kaniyang motorsiklo.

Nagduda umano ang grupo nina Caraos na minamanmanan sila ng pulis kung kaya’t pinagbabaril nila ito.

Matapos ang ginawang pamamaril nagtago na ang primary suspect na si Jaypee Caraos ng tatlong taon sa mga lalawigan ng Mindoro at ilang bayan sa Batangas hanggang makatanggap ng isang tip ang tanggapan ni Col. Cansilao sa kinaroroonan ng suspek sa isang barangay sa Magsaysay, Occidental Mindoro. ARMAN CAMBE