QUEZON- MATAPOS ang higit limang buwang pagtatago sa batas, sumuko kahapon ang suspek na bumaril at pumatay kay SSgt Reniel Uy Marin, miyembro at operatiba ng Candelaria Municipal Police Station.
Noong Mayo 6, 2023, nabaril at napatay si Marin matapos rumesponde sa isang shooting incident sa Sitio Bagong Pook, Brgy. Bukal Sur, Candelaria, Quezon at mabilis na tumakas ang suspek.
Sa aktibong ugnayan ng LGU Candelaria sa pangunguna nina Mayor George Suayan, Vice-mayor Macario Boongaling at Candelaria PNP na pinamumunuan ni Lt Col. Bryian Merino ay nakumbinsi at boluntaryong napasuko ang suspek na si Efren Lopez Azul, 56-anyos at residente ng Sitio Bagong Pook Brgy. Bukal Sur sa bayan ng Candelaria matapos ipalabas ni Presiding Judge Julieto Fabin Fabrero ng RTC Fourth Judicial Region Branch 168 Lucena City ang Warrant of Arrest.
Si Azul ay itinuturing na Most Wanted Rank Number 2 Regionwide na may kasong Murder, Frustrated Murder at Attempted Murder.
Ayon sa mga residente ng Candelaria, malaking tulong ang mga inilabas na pagkakakilanlan ng suspek sa balita ng mga lokal na media sa radyo, dyaryo at social media Platform kung kaya’t agad na kumalat ang balita at madaling nakilala si Azul.
Kasalukuyang nasa kustodiya at nakakulong sa Candelaria BJMP si Azul at walang inirekomendang piyansa ang hukuman para sa pansamantala nitong kalayaan. BONG RIVERA