PUMORMANG PULIS DINAKIP

KULUNGAN ang bagsak ng isang 30-anyos na lalaki matapos mahuli sa ilegal na pagsusuot ng police uniform makaraang batiin ng kabaro at pumiyok sa kasuotan, kamakalawa ng gabi sa Malabon City.

Ayon kay Malabon police chief Col. Albert Barot, nabuking ang suspek na si Lyntherd Fernandez, residente ng No. 9 Consuelo St. Barangay Tugatog, Malabon City na kinasuhan ng Usurpation of Authority at Official Functions and Illegal Use of Uniform and Insignial.

Naganap ang insidente bandang alas-11:10 kamakalawa ng gabi nang makita ng tauhan ng mobile patrol ng Sub-Station 2 na sina Cpl. Richard Guiang at Pat. Raffy Astero na naglalakad ang suspek sa kahabaan ng M.H. Del Pilar St. na nakasuot ng police uniform na walang name plate kaya agad nila itong binati.

Naghinala ang dalawang pulis na naging dahilan upang tanungin nila si Fernandez kung pulis ito, saang unit galing at pangalan ng kanyang batch subalit nirepresenta lang ng suspek ang kanyang sarili bilang miyembro ng Philippine National Police (PNP) hanggang sa umamin na ito na pangarap niyang maging pulis kaya nagsuot siya ng uniporme.

Hinanapan nila ng PNP identification card si Fernandez saka inaresto makaraang beripikahin na hindi miyembro ng PNP ang suspek.

Nabatid na posibleng ginagamit ng suspek ang kanyang uniporme para dungisan ang pangalan ng PNP at gamitin sa masama o illegal. VICK TANES