PUMPBOAT LUMUBOG: 1 PATAY, 94 NASAGIP

ROMBLON- ISA patay habang 94 naman ang nailigtas ng mga tauhan ng Philippine Coast Guard ( PCG) at Municipal Disaster Risk Reduction Management Office mula sa lumubog na pumpboat matapos mabutas at unti unting lumubog sa gitna ng dagat sa lalawigang ito.

Sa ulat ng PCG, umaabot sa 95 ang sakay ng MBCA King Sto. Niño 7 na lumubog sa Tablas Strait sa Corcuera, Romblon taliwas sa unang naiulat ng PNP at Corcuera MDRRMC.

Ayon sa PCG, 90 ang pasaherong sakay ng bangka at 5 naman ang tripulante nito na sinasabing 96 katao ang maximum capacity ng bangka na may bigat na 34.13 gross tonnages.

Umalis ang bangka dakong alas-11 ng umaga sa Calatrava, Romblon patungong Simara island matapos na dumalo sa isang summer camp para sa mga kabataan subalit bandang alas-12:30 ng tanghali ay nakatanggap ng distress call ang PCG.

Agad namang nagsagawa ng search and rescue operation ang mga tauhan ng PCG sa lugar kasama ang iba pang volunteers at rescuers mula sa Provincial Govt at MDRRMO ng Corcuera.

Kinumpirma ni Corcuera Mayor Elmer Fruelda na nagmula sa Calatrava ang bangka at papuntang Simara Island.

Nabatid na galing ang grupo ng kabataan sa isang summer youth camp ng isang simbahan sa Odiongan pero sa kasamaang palad ay lumubog ang sinasakyan nilang bangka na MB Sto. Niño sa Tablas Strait. VERLIN RUIZ