Mga laro ngayon:
(Mall of Asia Arena)
10 a.m. – UST vs UP (Men)
12 noon – Ateneo vs AdU (Men)
2 p.m. – UST vs UP (Women)
4 p.m. – Ateneo vs AdU (Women)
SISIKAPIN ng unbeaten University of Santo Tomas na mapantayan ang kanilang pinakamagandang simula sa loob ng 13 taon sa pagsagupa sa winless University of the Philippines sa UAAP women’s volleyball tournament ngayon sa Mall of Asia Arena.
Target ang kanilang ika-6 na sunod na panalo, ang Tigresses ay walang planong magkampante sa 2 p.m. match sa Fighting Maroons.
Magsasalpukan ang struggling sides Adamson at Ateneo sa isa pang laro sa alas-4 ng hapon.
Sa likod ni prolific rookie Angge Poyos, ang UST ay may perfect 5-0 record, tampok ang mga panalo laban sa mga dating kampeon ng liga na National University at La Salle, at ang five-set conquest sa traditional rival Far Eastern University.
Bagama’t pumapangalawa siya kay University of the East’s do-it-all newcomer Casiey Dongallo sa scoring, si Poyos ay nagpamalas ng efficiency sa attacking, nangunguna sa liga na may 43.93 percent.
Si Poyos ay third sa likod ng kanyang teammate na si Cassie Carballo sa service department na may 0.40 average per set, at ang 20-year old open spiker ay kabilang sa top 10 sa blocking sa liga.
Subalit nakapokus lamang si Poyos sa pagtulong sa Tigresses na manalo.
“’Yung mindset ko is maglaro lang at mag-contribute sa team. Iyon ang pinaka-importante. Hindi importante yung individual performance basta iniisip ko lang na mag-contribute, offense and defense,” sabi ni Poyos.
Sa 0-5, ang Fighting Maroons ay nasa kanilang pinakamasamang simula magmula nang simulan ang 2013-14 season na may anim na sunod na talo.
Ang Ateneo ay nasa sixth place na may 1-4 kartada. Nalasap ng Blue Eagles ang back-to-back straight-set defeats sa mga kamay ng Lady Spikers at Tigresses.