NILIMITAHAN ng pamahalaan ang pagbili ng paracetamol at ilang gamot sa trangkaso na nagkakaubusan sa ilang botika dahil sa pagtaas ng demand.
Ayon kay Cabinet Secretary Karlo Nograles, nagpalabas ang Departments of Trade and Industry at Health ng joint memorandum na nagtatakda ng purchase cap sa paracetamol, carbocisteine at iba pa.
Sa ilalim ng memorandum, ang isang indibiduwal ay makabibili lamang ng 20 tablets ng 500-mg paracetamol, habang ang isang pamilya ay 60.
“Nakasaad din sa joint memorandum na ito na ipinagbabawal ang online selling ng mga nasabing gamot, unless otherwise permitted by the FDA,” sabi ni Nograles sa isang press briefing.
Layon ng purchase cap na mapigilan ang artificial shortage at pagtaas ng presyo ng over-the-counter (OTC) flu medicines, at matiyak ang availability nito hanggang sa tumatag ang supplies nito.
Naunang sinabi ng DTI na nagkaroon ng temporary shortage ng paracetamol at ilang flu medicines noong katapusan ng Disyembre sa ilang botika dahil sa biglang pagsipa ng demand.
“It is actually a problem of stockout. Hindi po siya (it is not a) supply problem,” ani Trade Assistant Secretary Ann Claire Cabochan, at idinagdag na ang isang local manufacturer ay kayang magprodyus ng halos 60 million tablets sa isang buwan.
Nitong Enero 5 ay nagsimula na aniyang maglagay ulit ng inventories ang malalaking botika.
“We were anticipating na over the weekend ay mag-normalize na iyong situation kasi makakadating na ng distribution channels, iyong mga major drugstores po natin,” sabi ni Cabochan sa isang televised public briefing