PURDOY NA KANDIDATO ‘DI BASEHAN PARA MATAWAG NA NUISANCE

COMELEC

HINDI  basehan ang ‘kawalan ng pera’ ng isang kandidato para ideklara ito ng Commission on Elections (Comelec) na isang nuisance candidate o panggulong kandidato.

Ang paglilinaw ay ginawa ni Comelec spokesperson James Jimenez, kasabay na rin ng patuloy na pag-arangkada ng panahon ng pag­hahain ng kandidatura para sa May 13, 2019 National and Local Elections (NLE).

Ayon kay Jimenez, hindi pera ang usapin sa isyu kundi ang kakayahan ng isang kandidato na makapan-gampanya sa buong bansa, partikular na ang mga tumatakbo sa national post, tulad ng pagka-senador.

Aniya pa, kahit mas kaunti ang pera ng isang kandidato, kumpara sa kanyang mga kalaban, ay maaari pa rin itong makapagsagawa ng national campaign, kung mayroon siyang sapat na bilang ng supporters sa iba’t ibang lugar.

“Kailangan ‘yung may kakayahang mag-conduct ng nationwide campaign. That is very important for senators. But it is also very important to understand that it is not about money,” ani Jimenez.

“One can have less money than the other, but the one who has less money could be better suited for a national campaign because he or she has enough supporters,” aniya pa.

Kaugnay nito, nili­naw naman ni Jimenez na wala pang desisyon ang Comelec kung ang bilang ng followers sa social media accounts ay ikokonsidera sa pagtukoy kung ang isang kandidato ay may kapasidad na mag­lunsad ng nationwide campaign.

Nauna nang nanawagan si Comelec Commissioner Rowena Guanzon sa mga nais na maghain ng kandidatura na kung hindi naman sila desididong kumandidato at mangampanya para sa halalan ay huwag na lamang maghain ng Certificate of Candidacy (COC) dahil posibleng madeklara lang silang nuisance candidate.

Noong nakaraang taon, mahigit 140 kandidato sa pagka-senador ang naghain ng kandidatura, ngunit 50 lamang sa mga ito ang pinayagang kumandidato, habang ang iba pa ay idineklarang nuisance candidates.

Nabatid na ang mga itinuturing na nuisance candidate ay yaong nagsumite lamang ng kandidatura upang gawing katatawanan ang halalan, lumikha ng kalituhan dahil may kapareho silang pangalan at wala naman talagang bona fide o tunay na intensiyon upang tumakbo sa eleksiyon.

Ang panahon sa pag­hahain ng kandidatura para sa 2019 midterm elections ay sinimulan nitong Oktubre 11 at magtatapos sa Oktubre 17. ANA ROSARIO HERNANDEZ

OPISYAL NA LISTAHAN NG MGA KANDIDATO ILALABAS SA DISYEMBRE

Inaasahang mailalabas na  ng Comelec sa Disyembre ang opisyal na listahan ng mga kandidato na papa-yagan nilang lumahok sa 2018 midterm elections.

Ayon kay Direktor James Jimenez, tagapagsalita ng Comelec, alinsunod sa kanilang calendar of activities, posibleng sa ikalawang linggo ng Disyembre nila mailabas ang naturang official list dahil kinakailangan pa nilang pag-aralan ang mga ihahaing COC ng mga ito.

Kamakalawa, Oktubre 11, na unang araw ng filing ng COC ay umabot sa 27 indibidwal ang nakapaghain sa pagka-senador habang 18 naman ang partylist groups na naghain ng Certificate of Nomination at Certificates of Acceptance of Nomination.

Sa ikalawang araw ng paghahain ng COC, ay ilang kandidato na rin ang nagtungo sa punong tanggapan ng Comelec upang maghain ng COC sa pagka-senador.

Kabilang dito ang reelectionist na si Senador Nancy Binay at Bureau of Corrections (BuCor) Director Ronaldo ‘Bato’ Dela Rosa, na naging dati ring chief ng Philippine National Police (PNP).

Samantala, muli namang ipinaalala ni Jimenez na hindi tatanggap ang Comelec ng COC sa Oktubre 13 at 14, na natapat sa araw ng Sabado at Linggo.

Muli namang magpapatuloy ang pagtanggap nila ng COCs sa Lunes, Oktubre 15, hanggang sa Oktubre 17, Miyerkoles.

Ang election period para sa May 13, 2019 NLE ay nakatakdang magsimula sa Enero 13, 2019 at magtata-pos sa Hunyo 12, 2019.   ANA ROSARIO HERNANDEZ

Comments are closed.