PURIFIED WATER NAGMAHAL

SEN IMEE-2

PINABABANTAYAN ni Senadora Imee Marcos sa Department of Trade and Industry (DTI) ang mga water refilling station para masiguro na malinis ang ipinagbibili nitong tubig at hindi nagtataas ng presyo sa gitna ng COVID-19 pandemic.

Ayon kay Marcos, kalimitan ngayon ang ipinagbibiling 5-gallon water container ng purified water ay nakapagtatakang tumaas ang presyo.

“Ang binibili na kasi ngayon e, ‘yung purified water, pero ang problema nga bakit mayroong nagtitinda ng mahal at mayroong mas mura?  Parehong purified water pero bakit may mataas kung magbenta?” tanong ni Marcos.

Sa kasalukuyan, ang presyo ng 5-gallon water container ng purified water, may gripo o wala, ay nagkakahalaga ng P25 at ang iba namang water refilling station ay ipinagbibili ito sa  halagang P30 hanggang P35 kahit na walang pagkakaiba sa kanilang produkto.

Sinabi ni Marcos na dapat kumilos kaagad ang DTI at kung kinakailangan ay magpatupad ng SRP sa mga produkto ng water refilling station para maiwasan ang pagsasamantala sa mga consumer  ng mga tiwaling negosyante.

Hiniling din ni Marcos sa mga kinauukulang ahensiya na bantayan at magsagawa ng inspeksiyon sa mga water refilling station kung sumusunod ang mga ito sa kautusan tulad ng pagpapaskil ng sanitary permit,  kabilang na ang resulta ng monthly bacteriology water examinations.

“Ang dami kasing reklamo, hindi lang sa mataas ng presyo ng purified water, kundi ang  maru­ming lalagyan ng tubig, kasi nga, mukhang hindi mabuting nahuhugasan.  Bigyan dapat kasi ng proper seminar at training ang mga empleyado,” paliwanag ni Marcos.

Sinabi pa ni Marcos na sa panahong na patuloy ang CO­VID-19,  ang maayos na paghuhugas ng water container, pagsusuot ng proper working garment at personal proptective gear tulad ng hairnets, face mask at apron sa loob ng water refilling station ay dapat na sundin.

“Dapat kasing magkaroon ng regular na inspeksiyon ang mga water refilling station at makita kung regular na pinapalitan ang kanilang mga filter sa tubig… kasi nga talagang delikado ‘yun sa kalusugan ng kanilang mga customer,” dagdag pa ni Marcos.                          VICKY CERVALES

Comments are closed.