PUSHER TIKLO SA P6.2-M MARIJUANA

MARIJUANA-7

UMAABOT sa mahigit P6.2 milyon halaga ng marijuana ang nasamsam ng mga awtoridad sa isang tulak ng ilegal na droga na naaresto sa buy bust operation sa Caloocan City, Biyernes ng umaga.

Kinilala ni Caloocan police OIC chief deputy for operation Lt. Col. Ilustre Mendoza ang suspek na si Jenny Roy Dayrit, 24-anyos na residente ng 980 F2 Hermosa Street, Tondo, Manila.

Ayon kay Mendoza, dakong ala-6:05 ng umaga nang magsagawa ng drug operation ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa pangunguna ni LT Gilmer Marinas sa ilalim ng pamumuno ni Col. Samuel Mina Jr, kasama ang 6th MFC RMFB-NCRPO sa 2nd floor, Unit 2-G building 361, Barangay 18, Caloocan City.

Isang undercover police ang nagawang makipagtransaksyon sa suspek ng P9,000 halaga ng marijuana.
Matapos tanggapin ng suspek ang marked money mula sa police poseur buyer kapalit ng isang brick plastic wrapped ng marijuana ay agad lumapit ang back up na operatiba at inaresto ang suspek.

Maliban sa isang brick ng marijuana na nabili ng mga operatiba, narekober pa sa suspek ang isang sako bag na naglalaman ng 51 pirasong bricks transparent plastic wrapped na naglalaman ng pinatuyong dahon ng marijuana at fruiting tops na may standard drug price na P 6,240,000, buy bust money na isang tunay na P1,000 at 8 pirasong P1,000 boodle money.

Kasong paglabag sa Sec. 5 (Selling of Dangerous Drugs) at Sec. 11 (Possesion of Dangerous Drugs), Art. II of RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) ang isinampa ng pulisya kontra sa suspek sa Caloocan City Prosecutor’s Office. EVELYN GARCIA