OKAY lang na dumausdos sa Number 2 si Yorme Isko sa latest na survey ng Pulse Asia, sabi ni Sir Ernest Ramel, chairperson ng Aksyon Demokratiko.
Kasi, nakakuha ng 20 percent approval rating si Manila Mayor Francisco ‘Isko Moreno’ Domagoso kontra sa 53 percent ni BBM pero sabi nga ni Sir Ernest, “malayo pa ang labanan, halos nag-uumpisa pa lamang.”
Dyan natin nakikita ang malakas na kumpiyansa at fighting spirit ng Team Isko na umaakit ng maraming volunteer at supporter sa kanilang “Listening Tour.”
Tama naman, malayo pa ang karera, at sa Pebrero 2022 pa ang talagang arangkadahan sa karera sa Malakanyang at marami pang mangyayari – na ikagugulat natin.
Paliwanag nga ni Sir Lito Banayo, chief campaign strategist ng Aksyon Demokratiko, ang pokus nila sa ngayon ang maitatak sa isip at puso ng taumbayan ang magagandang programa ni Yorme Isko – na alam natin siya sa ngayon ang may pinaka-concrete and solid platform of government.
Transparency, kita ‘yan sa Manila City government na bukas sa taumbayan ang mga transaksiyon sa city hall, at ‘yan ang gagawin ni Isko – kung siya ang susuwertehing maupo sa Malakanyang sa 2022.
Bilis-Kilos na aktibidad ito at nakita natin sa hagupit ng bagyong Odette na agad-agad, nagpondo ang city government ng P2.5M na tulong sa mga nasalanta, pwera pa ang fund raising campaign na donasyong pagkain, cash assistance at iba pang gamit na kailangan ng kaawa-awang kababayan natin.
May susundang programa na ang Team Isko kung maupo sa Malakanyang na nakita natin sa Maynila: pagtatayo ng mass housing, modernong publikong educational institution na libre na, may alawanses pa ang mga estudyante.
Anim na modernong ospital, ang bagong COVID-19 hospital sa Quirino Grandstand, ang malapit nang matapos na New Ospital ng Maynila at ang inaapurang President Corazon Aquino Gen. Hospital sa Baseco Community.
Mga patrabaho sa mga jobless gawa ng pandemya, pagpapatuloy ng “Build, Build, Build’ program ni Presidente Rodrigo Duterte sa buong bansa para makalikha ng maraming trabaho at mapabilis ang transportasyon ng kalakal, serbisyo at transaksiyon sa mga isla ng bansa.
Tulong hindi lang sa kapital kungdi sa modernong pagsasaka at pangisdaan ang gagawin ni Yorme Isko para magkaroon tayo ng food security, at ang laban sa COVID-19, mabilis na aksiyon sa mass vaccination na magiging susi sa pagbubukas at pagbangon ng ating ekonomiya.
***
‘Yung taga-ibang lugar, anytime, open ang anim na public hospital ng Maynila sa mga pasyenteng dadapuan ng COVID-19 at ang bagong variant nito, ang Omicron.
‘Wag na kayong mahihiya, alok ni Yorme Isko kasi ang sabi niya, ang gamot at pasilidad ng Maynila ay para sa tao, ibig niyang sabihin, sa lahat, lalo na ang mga pamilyang mahihirap.
Magtulungan, magmalasakitan kasi, sabi nga ni Yorme Isko, mas mahalaga ang buhay ng tao, kaysa ano pa mang bagay.
“Lahat po ay ating niyayakap. Ang kaligtasan natin ang mas mahalaga, ang gamot, ang mga gamit, ay napapalitan, pero ang buhay, pag nawala na, hindi na maibabalik pa, kaya ‘wag na kayong mahiya, open ang mga ospital namin para sa inyong kapamilyang maysakit,” anyaya ni Yorme Isko.
At hindi pa man, ready na ang Maynila sa Omicron variant kasi, pinaghanda na niya ang mga doktor, narses at pasilidad at gamit ng anim na public hospital.
May nakahanda nang mga gamot kontra COVID-19.
Hehehe, daig pa ni Yorme Isko ang Boy Scout, laging handa, ever ready.
***
Pusong mamon, sabi nga si Yorme, aba, yung pamilya ng 1,300 worker na nagpaganda sa Manila Zoo ang bibigyan ng VIP treatment sa pagbubukas nito sa Dec. 30.
At hindi lang ‘yon, may ipinahanda pang pagkain at inumin si Yorme Isko sa kanila, kasi very proud siya sa napakagandang renovation sa limang ektaryang lawak na Manila Zoological and Botanical Garden.
Hindi lang maganda, kungdi may mga bagong pasilidad at nakasalaming kulungan na maaaring matingnan nang malapitan ang mga maiilap at inaalagaang hayop.
Parang Singapore Zoo ito na may malinis na restroom, pati sa mga PWDs, may moderno at mga bagong restoran, drinking fountains, souvenir shops, at malawak na parking area.
Basta, tiyak dadayuhin ng lokal at dayuhang turista ang New Manila Zoo, pagmamalaki ni Yorme Isko.
***
Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay mag-email lang sa [email protected].