ni Riza Zuniga
MULA Marso hanggang Abril, puspusan ang pagsasanay ng mga hepe at kawani sa pribado at gobyerno. Noong nakaraang Marso, pagsasanay sa “How to Ace your First Media Interview” at “Corporate Communication;” at ngayong Abril ay “Social Media Management” at “PhotoJournalism and Photography,” at sa ika-huling ng linggo ay “Risk Communication.”
Lahat ng pagsasanay ay online pa hanggang ngayong 2023 ngunit maaari nang makipag-ugnayan sa Professional Development Program (PDP) ng Asian Institute of Journalism and Communication (AIJC) kung nais ang on-site training. Ang email address ng PDP ay [email protected].
Sa “How to Ace your First Media Interview,” naging mahusay ang paggabay ni Stanley Buenafe Gajete, isang International Multiplatform Journalist, sa mga nagsidalo ng pagsasanay mula sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan na karaniwang mga frontliners sa kani-kanilang lugar ng pagtatalaga, sa hospital, seguridad o bangko man.
Naging mahalaga ang pagtalakay sa Covid19 bilang paksa na kung saan ang bawat kawani ay magbibigay ng kanilang saloobin o nalalaman tungkol sa Covid19. Sa mga doktor at kawani ng hospital, ang paksa ay napakadali ngunit ibinibahagi rin nila ang pagkakaiba sa totoong buhay.
Naging kapaki-pakinabang ang pagtalakay sa kung ano ang nararapat sa paghahanda, katulad ng boses, tamang paghawak sa mikropono, kasuotan, galaw ng kamay at katawan, pagtayo sa harapan ng camera, nilalaman ng sinasabi, pag-iwas sa sinasabing “sorry” kapag nagkamali, at pag-aaral sa mga katanungan ng taga-media.
Sa “Corporate Communication,” ito ay lagpas pa sa pag-aaral ng Public Relations, may mahalagang papel sa organisasyon, maaaring maging madiskarte, may nabuo ng daloy ng komunikasyon at maaaring makapaglabas ng opisyal na pahayag sa taumbayan.
Ang naging eksperto rito ay si Maria Sophia B. Varlez, isang Deputy Secretary-General ng Asian Media Information and Communication (AMIC), isang educator, manunulat at naging Training Director ng Asian Institute of Journalism.
Sa napakaraming nag-viral sa social media, naging malalim ang talakayan sa mga isyu na nailatag sa “Corporate Communication,” ang bawat kalahok ay naengganyong magbahagi ng mga napapanahong mga karanasan sa loob at labas ng kani-kanilang organisasyon. Naging paksa muli ang nangyaring insidente ng pasahero sa NAIA tungkol sa yearbook, na kung saan hindi nakasama sa paglipad ang pasahero patungong Israel sa napakaraming tanong ng isang Immigration Officer.
Sa “Social Media Management,” ang eksperto ay si Patrick Salamat, naging consultant ng iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan katulad ng NEDA at DepEd. Tunay na makabuluhan ang talakayan sa pagsasanay gawa ng mga pinag-usapang isyu sa social media.
Naging malaking katanungan kung paano pinamamahalaan ang social media sa kasalukuyang panahon. Hindi na lamang diaryo, TV at radyo ang pinaghahandaan sa ngayon; kasama na rin ang Twitter, Instagram, Facebook, Youtube at Tiktok. Naging baligtad na ang pinagmumulan ng balita, hindi na mula sa lehitimong mga tagapagbalita.
Ang naging kapana-panabik ay ang “Online Training sa PhotoJournalism at Photography” na ang eksperto ay si Leslie Boado, na nagbahagi mula pa sa Toronto, Canada. Nagpapatunay na walang malayo o malapit pagdating sa online training. Isa ring premyadong photojournalist at photographer si Boado.
Mula sa iba’t ibang organisasyon at lugar sa Pilipinas ang mga kalahok sa online training, kung kaya’t iba’t ibang imahe ang naipakita sa eksperto. Mga imahe ng kani-kanilang opisina, kasama sa trabaho, ka-pamilya, alaga sa bahay, halaman at kalikasan.
Ang apat na online training na naibahagi ay pagsisimula sa mga nakahanay na pagsasanay ngayong 2023. Naka-antabay na ang “Risk Communication,” para sa ika-27-28 ng Abril, “Editing Skills Enhancement,” “Issues Management and Crisis Communication,” at “Online Public Speaking” para sa Mayo 2023.