AGAD na ihahain ni Senador Raffy Tulfo ang isang Senate Resolution na layong suspindehin ang PUV Modernization Program dahil sa nakitang kapalpakan.
Sa hearing ng Senate Committee on Public Services, sinabi ni Tulfo na sa pakikipag-usap niya sa iba’t ibang miyembro ng transport groups, lumitaw na “ang PUV modernization program ay hindi pinag-isipan, hindi pinag-aralan, hindi pinagplanuhan at minadali.”
“Ang resulta, marami ang mga maliliit nating kababayan ang nadedehado, partikular na ang mga tsuper ng jeepney,” aniya.
Nakita rin niya na nababalot ng korupsiyon ang nasabing programa na sinegundahan naman nina Majority Floor Leader Francis Tolentino at Senator JV Ejercito.
Una nang iminungkahi ni Senate President Francis Escudero ang pagsuspinde sa PUV Modernization Program dahil maging siya ay nakitaan ito ng samu’t saring problema.
Laking tuwa naman ng mga jeepney operator at driver sa naging magandang resulta ng Senate hearing.
VICKY CERVALES