PUV SPECIAL PERMIT APPLICATION SA UNDAS, BINUKSAN -LTFRB

BINUKSAN na ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) kahapon, ang application ng Special Permit ng mga Public Utility Vehicle (PUV) bilang paghahanda sa pagdagsa ng mga pasaherong uuwi sa probinsya sa Undas.

Maaari nang pumunta sa tanggapan ng LTFRB ang mga PUV operator na bibiyahe sa darating na Undas upang tugunan ang inaasahang pagdami ng mga pasahero. Narito ang mga hakbang na dapat sundin ng mga operator sa pagkuha ng Special Permit:

Kailangang pumunta sa Window 6 ng Technical Division upang magpa-asses ng mga kailangang bayaran para sa Special Permit.

Magtungo sa Door B upang bayaran ang application, maaari rin pumunta sa Window 8 upang isumite ang apat na kopya ng Application of Special Permit kasama ang mga documentary requirement.

Pagkatapos ng ilang araw o bago ang ika-28 ng Oktubre, bumalik sa tanggapan ng LTFRB at dumiretso sa Information Systems Management Division (ISMD) upang kunin ang Special Permit.

Ang mga documentary requirement na kailangang isumite ng PUV operators sa pag-apply ng Special Permit ay ang OR/CR ng mga sasakyan, personal passenger Insurance Policy at Franchise Verification.

Hinihikayat ang mga PUV operator na mag-apply nang maaga upang makuha agad ang kanilang special permit at makapaghanda nang maaga para sa kanilang biyahe sa Undas.

Bukod diyan, pinapaalala rin ng LTFRB sa mga PUV operator at driver na sumunod sa mga alituntunin at polisiya ng ahensiya sa pagpasada. Ang sinumang mahuling lalabag sa mga ito ay papatawan ng karampatang parusa base sa mga kundisyon ng kanilang Certificate of Public Convenience (CPC), Special Permit, at ng Joint Administrative Order no. 2014-01. BENEDICT ABAYGAR, JR.