PUWEDE BA, ‘MOVE ON’ NA TAYO SA MERALCO?

Magkape Muna Tayo Ulit

EWAN ko ba. Tila hindi na tayo makaalis sa isyu ng dapat nating babayaran sa ating bill sa Meralco maski na ilang ulit na ipinaliliwanag ito sa kanilang mga customer sa abot na kanilang makakaya.

Hindi rin ako naniniwala na tayo ay pinagsasamantalahan ng Meralco o kung sino pang malaking korporasyon sa ating bansa bunsod ng krisis ng COVID-19. Bakit? Dahil malaki ang itinataya nilang reputasyon at pangalan. Mahabang taon ng sikap at tiyaga ang kanilang ginawa bago sila naging matagumpay sa kanilang napiling negosyo.

Ang mga malalaking korporasyon tulad ng San Miguel Corporation, Ayala, Metro Pacific Investments Corporation, Andrew Tan Group of Companies, Filinvest, at iba pa na kasapi at kabahagi ng ating ekonomiya ay hindi manlilinlang upang pagsamantalahan ang ating mga mamamayan. Bakit? Dahil bilyon-bilyon ang mawawala sa kanila kapag nakita ng ating pamahaalaan na tahasang niloloko nila tayo.

Sa katunayan ay pinasalamatan sila ng ating pamahalaan sa kanilang itinutulong sa kasalukuyang krisis natin. Bukod pa rito, ang Meralco ay ikatlo sa mga top taxpayer ng ating bansa para sa 2019. Nangunguna ang BDO ng pamilya ni Henry  Sy at sumusunod ang Robinsons ng pamilya Gokongwei. Ikaapat ang BPI ng pamilya Ayala.

Tandaan natin na sila ay mga negosyante. At bilang mga negosyante, kailangan nilang kumita. Wala sira ulong tao na papasok sa negosyo kung alam nila na malulugi sila. Hindi po ba? Malaki ang ipinuhunan nila sa ating bayan. Kaya malaki rin ang dapat na kitain nila. Hindi lamang 50 katao ang empleyado nila. Libo po.

Tulad ng isang karinderya, sinisiguro nila na 100% ang patong nila sa kanilang inilalakong pagkain upang masabi nila na kikita sila sa kanilang pinagpaguran. Kung ang isang ulam ay nagkakahalaga ng P50, sigurado ako na hindi lalagpas ng P25 ang puhunan nila rito. Baka nga mas mababa pa. Bakit? Dahil kailangan nga nilang kumita. Nagnenegosyo sila.

Ngayon palakihin natin ang karinderya  tulad ng mga namumuhunan sa malalaking restaurant. Ang presyo na P50 na ulam sa karinderya ay nagkakahalaga na ng P150. Bakit? Dahil mas malaki ang ipinuhunan ng mga restaurant na ito kung ating ikukumpara sa ipinuhunan ng isang karinderya.

Ngayon ay magkano ang ipinuhanan ng Meralco upang masabi natin na isang matagumpay at malaking distribution utility ng ating bansa? Bilyon po! Sa palagay ba natin ay magpapatuloy ang kanilang serbisyo sa ating mga customer kung hindi sila kumikita upang ipagpatuloy nila ang kanilang negosyo at serbisyo sa kanilang customers?

Subalit  tandaan. May nagbabantay sa kanila sa kanilang kinikita upang hindi rin tayo dehado. Ito ay ang Energy Regulatory Commission (ERC) at ang Department of Energy (DoE) ng ating pamahalaan. Walang mga hakbang na ginagawa ng Meralco na taliwas sa polisiya ng nasabing dalawang ahensiya ng ating gobyerno. Kung hindi ay papatawan sila ng parusa. Sa katunayan ay tumalima sila sa utos ng ERC na gawing 4 monthly installments ang mga naipon na bayarin sa koryente. Ganoon din sa bagong utos ng ERC na ang basehan ay ang ‘actual meter reading’ at hindi na ang ‘estimated bill’. Inuulit ko, ang lahat ng hakbang ng Meralco sa pagsingil at presyo ng singil sa koryente ay alinsunod sa polisiya at kautusan ng ERC.

Kaya naman ako ay napapailing sa ilang mga militanteng grupo na humihiling na buwagin ang Meralco o ‘di kaya ay huwag nang bayaran ang malaking nakonsumo natin ng koryente sa kasagsagan ng ECQ. Haller?!

Ang iba naman diyan ay nagsasabi na bawasan naman daw ang kinikita ng Meralco at i-subsidize ang nakinsumong koryente. Haller? Ang lahat ng computation ng singil sa ating koryente ay ayon sa regulasyon ng ERC. Dagdag pa rito ay mga 17% lamang ang napupunta sa Meralco sa kabuuang bayarin natin ng koryente. Ang mahigit 80% ay napupunta sa generation companies, NGCP at sa ating gobyerno.

Kaya bakit natin ipinapako sa krus ang Meralco? May nagsususog ba sa mga militanteng grupo rito? May kakayahan ba ang mga maiingay na militanteng grupo upang patakbuhin ang industriya ng enerhiya? ‘Yan na nga ang sinasabi ko. Malakas silang bumatikos subalit wala naman silang sapat na kakayahan.  Move on na po tayo!

Comments are closed.