SA TOTOO lang, nasusuka at nauumay na ako sa isyu na dapat palitan na si Chot Reyes bilang coach ng Gilas Pilipinas. Bakit ba ganito ang ibang mga kababayan natin? Nagmistulang mga Hudyo at isinisigaw na ipako sa krus si Reyes.
Bakit? Dahil ba sa mga sunod-sunod na talo ng Gilas Pilipinas sa FIBA Window Qualifier sa Indonesia at ‘yung nakaraang SEA Games?
Ito na ba ang hudyat na dahilan upang magalit ang sambayanan kay Chot Reyes pati sa Samahang Basketbol ng Pilipinas at hingiin ang ulo ni Reyes at ibalik ang banyagang coach na si Tab Baldwin?
Hindi na ba tayo puwedeng maka move-on dito?
Malinaw ang dahilan sa mga pagkatalo natin sa mga larong iyon. Nagkulang sila ng preparasyon at nabuwag ang orihinal na manlalaro sa koponan ng Gilas Pilipinas dulot ng pandemya.
Natatandaan ko noong panahon ng pandemya kung paano ‘ipako rin sa krus’ si dating Pangulong Duterte at si dating DoH Secretary Francisco Duque sa umano’y mabagal na pag-angkat ng bakuna laban sa Covid-19. Nagmistulang mga eksperto sa Covid-19 ang sambayanan kung ano ang dapat gawin ng gobyerno laban sa nasabing sakit.
Panay ang batikos at sisi sa pamahalaan ni Duterte at hinihingi ng sambayanan na palitan si Duque.
Hindi natinag si Duterte at hindi niya pinalitan ang kalihim ng DoH.
Matapos ang dalawang taon ng pandemya, ang Pilipinas ang isa sa pinakamababa ang lebel sa pagkalat ng Covid-19 sa Asya. Ang suplay ng bakuna laban sa nasabing sakit ay nagkalat na sa buong bansa. Kahit saan ay maaari ka nang magpabakuna maski na sa ikalawang dose nito. Sa katunayan, ang problema ngayon ay kung paano hihikayatin ang mga Pilipino na magpabakuna.
May narinig ba tayong pasasalamat o magsabi man na nagkamali sila sa kanilang mga paratang at maayos na ang sitwasyon ng bansa sa kampanya laban sa Covid-19? WALA!!!!
Ganito rin ang nakikita kong sitwasyon sa isyu laban kay Coach Chot Reyes, SBP at ang Gilas Pilipinas.
Kapag nakabalik muli ang pagkapanalo ng koponan ng Gilas Pilipinas sa ilalim ni Reyes, walang aamin na nagkamali sila.
Kaya ako ay napailing sa mga nag-boo kay Reyes nang banggitin ang kanyang pangalan noong laban ng Pilipinas kontra Saudi Arabia. Ito ba ang ipakikita natin sa ibang bansa na hindi tayo nagkakaisa?
Sakto pa sa araw na iyon kung saan nanawagan si PBBM ng pagkakaisa o unity sa paggunita natin noong ika-29 ng Agosto bilang National Heroes’ Day.
Tama na itong issue laban kay Coach Chot Reyes. Hindi niya kagustuhan ito. Hindi niya ginusto na hawakan ang Gilas Pilipinas. Sinalo niya ang koponan dahil nawala ang dating coach nito. Ano na ang susunod na dapat nating gawin?
Mas malaki ang hamon natin. Sa susunod na taon ay isa tayo sa pinalad na bansa na mag-host ng FIBA World Cup 2023. Huwag nating sirain ang diskarte ng SBP at ng Gilas Pilipinas. Dapat ay suportahan natin. Wala naman tayong inambag na pera sa programa ng SBP. Kaya naman sana ay mag-ambag na lang tayo ng suporta upang magwagi at magpatuloy na maging malakas ang Gilas Pilipinas sa mga susunod na laban nila bago sumapit ang FIBA World Cup.