(Puwede nang i-request ng PUV operators sa LTFRB) BAGONG FARE MATRIX/GUIDE

LTFRB-JEEPNEY

INIHAYAG ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) maaari nang mag-request ang Public Utility Vehicle (PUV) operators ng bagong Fare Matrix/Guide kasunod ng pagpapatupad ng fare increase sa mga pampublikong sasakyan na epektibo na sa Oktubre 3.

Nauna nang inanunsyo ng LTFRB ang pagtaas ng pamasahe sa Traditional Public Utility Jeepney (TPUJ), Modern PUJ (MPUJ), Public Utility Bus (PUB), Transport Network Vehicle Service (TNVS), at Taxi nitong Setyembre 16.

Kasama sa kondisyon ng pagpapatupad ng taas-pasahe ang pagpaskil ng updated Fare Matrix/Guide sa loob ng mga pampublikong sasakyan.

Ayon sa LTFRB, kinakailangan lamang na magsumite ang mga PUV operastor ng Latest Land Transportation Office (LTO) OR/CR; Franchise Verification; Kopya ng Provisional Authority (para sa mga hindi pa nabibigyan ng desisyon ukol sa kanilang Certificate of Public Convenience), at Official Receipt of Payment upang makuha ang kanilang updated Fare Matrix/Guide.

Bukas ang tanggapan ng LTFRB upang tumanggap ng mga request ng Fare Matrix/Guide mula Lunes hanggang Sabado.

Muling pinapaalala ng LTFRB na bagaman makakapag-issue na ang ahensiya ng updated Fare Matrix/Guide, sa Okubre 3 pa epektibo ang taas-pasahe sa pampublikong mga sasakyan.

Bukod dito, kailangan pa ring sumunod sa mga alituntunin at polisiya ng ahensiya ang mga PUV driver at operator, alinsunod sa mga kondisyon at probisyon ng kanilang Certificate of Public Convenience (CPC) at Joint Administrative Order 2014-01.

Kung may reklamo patungkol sa pagpapatupad ng fare increase sa mga pampublikong sasakyan, maaaring ipaabot ang inyong reklamo sa LTFRB 24/7 Hotline: 1342 o mag-send lang ng message sa LTFRB Official Facebook page o magtungo sa official website ng LTFRB. EVELYN GARCIA