(Puwede nang makuha) ALLOWANCE NG RETIRED TEACHERS, PRINCIPALS

Allowance

MAAARI nang makuha ng mga retiradong guro at principal sa mga pampublikong paaralan sa Maynila ang kanilang P500 monthly allowance na hindi naibigay  simula pa noong  2017 at 2018.

Ito ay makaraang lagdaan ni Mayor Francisco ‘Isko Moreno’ Domagoso nitong weekend ang budget para sa pamamahagi ng naantalang allowance ng mga retired teacher at principal matapos na makatanggap ng sumbong mula sa netizens kaugnay ng kawawang kalagayan ng mga ito.

Inatasan na rin ni Moreno si city treasurer Jasmin Talegon na repasuhin ang lahat ng dokumento upang makuha ng mga retired teacher at principal sa  public schools ang kanilang allowance.

Pinasalamatan ni Moreno sa flag-raising ceremony kahapon ang mga netizen sa impormasyon na nakalap kaugnay ng hindi pagbibigay ng kakarampot na allowance sa mga retiradong teacher at principal.

Ayon kay Moreno, bago pa siya naupong mayor, ang nakaraang administrasyon ay lumagda sa P2.6 bil­yong kontrata sa loob ng 30 araw na kanyang inurirat sa dating city treasurer.

“They are very busy attending to checks and yet those who are trying to mold, guide or educate their children for the next generaton and who rendered service all their life are being neglected,” pahayag ng alkalde.

“I’ve been receiving messages from netizens na ‘yung nanay ko, retired ‘di nakakuha ng pension since 2018. ‘Yung anak ang sakit ng pakiramdam. ‘Yung iba me portion pa na 2017 pa. These are things of the past. What is important is today and the future. Last Saturday, I signed documents to enable the retirees to claim retroactive,” aniya.

“I just feel bad for them. Someday magre-retire kayo, alam ko most of you aasa lang sa pension sa haba ng trabaho n’yo. Don’t worry, as long as I am the mayor, walang maaargabyado sa inyo.  I will always give what is due you,” dagdag ng alkalde.

Ginawang  half day ni Moreno ang pasok ng mga  city employee kahapon upang bigyan ang mga ito ng oras na makapaghanda sa Christmas celebration kapiling ang kanilang mga mahal sa buhay, gayundin para makapag-last minute shopping. VERLIN RUIZ

Comments are closed.