ABRA-SINIBAK ni Philippine National Police (PNP) Chief General Dionardo Carlos sa puwesto ang lahat ng mga tauhan ng Pilar Municipal Police Station sa lalawigang ito kasunod ng rekomendasyon ni Commission on Elections (COMELEC) Chairman Saidamen Pangarungan makaraang ilagay ang naturang lugar sa kanilang kontrol.
Ayon kay Carlos, ipapaubaya na niya kay Cordillera Regional Director BrigGen Ronald Lee ang gagawing pagpapalit ng mga tauhan sa bayan ng Pilar.
Nabatid na limang araw bago ang nakatakdang National and Local elections ay isinama ng COMELEC ang bayan ng Pilar sa may sampung lugar na inilagay sa ilalim ng COMELEC supervision.
Sa pagsibak sa mga pulis sa Pilar, ipinaliwanag ni Pangarungan na inirekomenda ang pagpapalit sa puwesto dahil sa natanggap nitong ulat na “bias” ang local police sa lugar bukod pa sa mayroon din umanong presensya ng private armed groups sa area.
Sinabi nina Carlos at Pangarungan ang pahayag na ito sa press conference sa Camp Crame matapos ang send off ceremony ng security forces para sa local and national election sa May 9.
Nabatid na kasabay ng Pilar, Abra ay ang Misamis Occidental sa mga inihabol na area na isinailalim sa COMELEC control.
Una nang idineklarang under COMELEC control ang bayan ng Tubaran at Malabang sa Lanao del Sur gayundin ang bayan ng Buluan, Datu Odin Sinsuat, Datu Piang, Mangudadatu, Pandag, at Sultan Kudarat sa Maguindanao; Marawi City at Maguing sa Lanao del Sur.
Gayundin, inihayag ni Carlos na nagdagdag sila ng puwersa sa mga nasabing lugar para maiwasan ang anumang karahasan sa araw ng halalan sa Mayo 9.
Binigyang-diin din nito na walang dapat ikabahala ang mga residente sa mga lugar na isinailalim sa COMELEC control. VERLIN RUIZ