NALUSUTAN ng Adamson University ang matikas na pakikihamok ng De La Salle-College of St. Benilde (CSB) upang makopo ang ikalawang panalo sa Premier Volleyball League (PVL) Collegiate Conference kahapon sa FilOil Flying V Centre sa San Juan City.
Tatlong players ang humataw ng double-digits para sa Lady Falcons sa kanilang 25-22, 22-25, 25-22, 25-21 panalo laban sa Lady Blazers, na nagbigay sa kanila ng 2-0 kartada.
Matapos ma-split ang unang dalawang frames, nakontrol ng Adamson ang laro sa pamamagitan ng dikit na panalo sa set 3, at abot-kamay na ang panalo nang kunin ang 20-15 bentahe sa fourth frame.
Subalit, hindi agad sumuko ang Lady Blazers at tinapyas ang kalamangan sa isang puntos bago bumalik sa porma ang Lady Falcons.
Aminado si Adamson coach Airess Padda na hindi naging maganda ang ipinakita ng kanyang mga bataan.
“It’s still ugly, it’s so inconsistent,” wika ng American coach.
Sapol si setter Mary Jane Igao sa kritisismo ni Padda kung saan sinabi ng huli na hindi maganda ang inilaro ng playmaker. Nakalikom si Igao ng 26 excellent sets subalit nahirapang kumonekta kay returning middle blocker Joy Dacoron.
Gayunman, sapat na ang ipinakitang lakas ng firepower ng Adamson upang apulahin ang Lady Blazers. Bumanat si Bern Flora ng 17 points sa 13 kills, habang naitala ni Dacoron ang lima sa kanyang 13 points san blocks. Tumipa rin si Eli Soyud ng 17 points sa 12 kills at 4 blocks.
Nanguna naman si Klarisa Abriam para sa CSB na may 14 points, at nag-ambag si Marites Pablo ng 12. Bumagsak ang Lady Blazers sa 0-2 marka.
Comments are closed.