PVL: 3RD SEMIS WIN TARGET NG HIGH SPEED HITTERS

Mga laro ngayon:
(Ynares Center)
2:30 p.m. – Army-Black Mamba vs Cignal
5:30 p.m. – Creamline vs PLDT

PUNTIRYA ng PLDT ang ikatlong sunod na panalo sa semifinals sa pagsagupa sa Creamline sa Premier Volleyball League Invitational Conference ngayon sa Ynares Center sa Antipolo City.

Isa pang panalo sa 5:30 p.m. match ang magpapalakas sa tsansa ng High Speed Hitters na makapasok sa one-match championship sa susunod na linggo.

Makaraang tapusin ang kanilang mga asignatura kontra PVL teams, haharapin ng PLDT ang bisitang Kingwhale of Chinese-Taipei at Kobe Shinwa Women’s University of Japan sa susunod na linggo — dalawang laro na magdedetermina sa kanilang kapalaran na makapasok sa Finals.

Magsasalpukan ang Cignal at Army-Black Mamba sa unang laro sa alas-2:30 ng hapon.

Sinimulan ng High Speed Hitters ang kanilang semis campaign sa stunning 15-25, 25-13, 25-23, 25-23 victory laban sa HD Spikers.

Sa parehong araw, nalusutan ng Cool Smashers ang pagkatalo sa second set upang gapiin ang Lady Troopers, 25-21, 23-25, 25-19, 25-17.

Sa duelo ng top two teams matapos ang eliminations, umaasa ang Creamline na maduplika ang kanilang 25-22, 25-16, 25-21 panalo sa PLDT noong nakaraang Hulyo 16.

Habang ang Cool Smashers ay may maaasahan sa opensiba sa katauhan nina Tots Carlos, Jema Galanza at Alyssa Valdez, ang High Speed Hitters ay may malalim na arsenal dahil ang bawat isa ay maaaring makatulong, sa pangunguna nina Jules Samonte at Chin-Chin Basas, habang si Mika Reyes ang mangangasiwa sa pagprotekta sa net.