Mga laro sa Sabado:
(Philsports Arena)
4 p.m. – Galeries Tower vs Akari
6:30 p.m. – PetroGazz vs Choco Mucho
MAGKAKAROON ng karagdagang motibasyon ang mga koponan na sasabak sa 2024-25 PVL All-Filipino Conference dahil ang kampeon ang kakatawan sa bansa sa AVC Champions League sa susunod na taon sa Seoul, South Korea.
Ito ang inanunsiyo kahapon kung saan ang pinakaaabangang season-opening conference ay tatagal ng anim na buwan, at inaasahang magiging hitik sa aksiyon.
Ang All-Filipino winner ay magkakaroon ng pagkakataon na kumuha ng dalawang foreign players, na ang lahat ng gastos ay sasagutin ng PVL.
“The PVL is committed to fully supporting our representative club in the AVC Champions League,” wika ni PNVF President Ramon “Tats” Suzara, hinikayat ang mga koponan na samantalahin ang pagkakataong ito para kuminang sa international stage.
Ang season opener ay nakatakda sa Sabado sa Philsports Arena.
Bilang reigning ‘Grand Slam’ titleholder, ang Creamline ay papasok sa bagong season bilang ‘team to beat’.
Halos buo ang roster, ang Cool Smashers ay inaasahang patuloy na magpapakita ng mataas na standard.
Gayunman ay ilang koponan ang nagpalakas ng kanilang roster, sa layuning makipagsabayan sa iba pang mga koponan.
“With the depth of talent in the league, fans can look forward to a truly competitive conference,” ani PVL President Ricky Palou. “This season, we’ve seen teams making strategic moves to enhance their rosters, which should make for some exciting matchups and surprises along the way.”
Ang ‘continuity’ ang mantra para sa mga koponang tulad ng Cignal, PetroGazz, Choco Mucho, PLDT, at Akari, habang ang Chery Tiggo ay nasa transition period.
Nakahanda naman ang Capital1, Nxled, Zus Coffee, Galeries Tower at Farm Fresh na gumawa ng marka at mag-iwan ng pangmatagalang impresyon.
Ang season ay sisimulan sa kapana-panabik na main game sa alas-6:30 ng gabi, tampok ang huling All-Filipino Conference finalist Choco Mucho kontra PetroGazz side.
Makakaharap naman ng Akari ang Galeries Tower sa alas-4 ng hapon.