AABUTIN ng anim na buwan para malaman kung mapapalawig ng Creamline ang kanilang dynastic rule sa Premier Volleyball League o magkakaroon ng bagong reyna na kokoronahan.
Magiging pinakamahabang PVL season, sisimulan ng liga ang All-Filipino Conference, kung saan inaasahang lalaro na ang No. 1 overall pick sa Rookie Draft noong nakaraang Hulyo — si Thea Gagate para sa ZUS Coffee.
Ang pinakaaabangang 2024-25 season ay magbubukas sa Nob. 9, na may restructured calendar na naglalayong makahanay sa international FIVB schedule.
Tampok ang 6:30 p.m. match sa pagitan ng last conference’s finalist Choco Mucho at PetroGazz sa Philsports Arena.
Sisikapin ng Flying Titans, natalo sa kanilang huling dalawang All-Filipino Finals duels sa Cool Smashers, na makabawi mula sa Reinforced Conference campaign noong nakaraang season sa pagbabalik ni Sisi Rondina.
Determinado rin ang Angels, isang two-time Reinforced champion, na makabawi makaraang masibak sa semifinals sa nakaraang conference.
Sa 4 p.m. curtain raiser, makakaharap ng Akari, ang koponan na pinahanga ang marami sa nakaraang Reinforced Conference, ang Galeries Tower.
Pinalakas ang kanilang lineup, mataas ang target ng Chargers ngayong season — ang kampeonato.
Ang Creamline ay sasalang sa Nob. 16 kontra long-time rival PetroGazz sa Ynares Center sa Antipolo City. Ang pinakaaabangang sagupaan na ito ay inaasahang magtatakda ng tone para sa season, kung saan sisikapin ng Cool Smashers na depensahan ang kanilang titulo habang nagtatangka sa ika-5 sunod na league championship.
Ang binalasang Chery Tiggo squad, nasa ilalim ngayon ng patnubay ni coach Norman Miguel, ay magde-debut laban sa Capital1 sa Nob. 12, kasama ang showdown sa pagitan ng PLDT at ng Nxled, na ginagabayan ni Italian tactician Ettore Guidetti sa Philsports Arena.
Tututukan ang unang professional match ni Gagate sa pagharap ng Thunderbelles sa Chargers sa Nob. 14 sa Filoil EcoOil Centre.
Ang iba pang aabangang salpukan ay sa pagitan ng Cignal at Farm Fresh sa Nob. 16, ang rivalry match sa pagitan ng sister squads Creamline at Choco Mucho sa Dis. 3 sa Smart Araneta Coliseum, at ang PLDT-Akari duel sa Dis. 14, ang kanilang unang paghaharap matapos ang kanilang kontrobersiyal na Reinforced Conference semifinals clash noong nakaraang Agosto.
Samantala, magdaraos ang PVL ng mga laro sa labas ng Metro Manila — Candon, Ilocos Sur sa Nob. 23, Cebu sa Dis. 7, at City of Passi sa Iloilo sa Peb. 22, na magsasara sa first-round preliminaries.