PVL:  ARADO, DE LEON, MENDREZ SA PLDT

PATULOY ang pagpapalakas ng PLDT sa pagkuha sa isa sa top liberos sa bansa, kasama ang isang veteran middle blocker at isang promising outside hitter, bago ang pagbubukas ng Premier Volleyball League (PVL) sa susunod na buwan.

Inanunsiyo ng PLDT Home Fibr nitong Linggo ang pagsali sa koponan ni Kath Arado, ang reigning Premier Volleyball League Best Libero, gayundin nina Jessey de Leon at  Mean Mendrez.

Ang tatlo ay naglaro para sa Petro Gazz Angels sa 2021 PVL Open Conference bago kumalas sa koponan kamakailan lamang.

Sinabi ni Arado, naglaro para sa University of the East sa kolehiyo, na hindi na siya nagdalawang-isip na umanib sa PLDT dahil naniniwala siyang may “unfinished business” siya sa tatlo sa kanilang core members, sa katauhan nina Rhea Dimaculangan, Chin Basas, at Eli Soyud.

Noong 2020 ay bahagi sana sila ng Generika-Ayala sa Philippine Superliga subalit hindi natuloy ang torneo dahil sa COVID-19 pandemic.

“Actually, to be honest, ang isang factor na nag-decide na sumali ako sa PLDT is ‘yung magiging teammates ko,” sabi ni Arado.

“Kami nina Ate Rhea, Chin, at Ate Eli, nagsama-sama nun sa Generika. Kilala ko na po sila eh, at malaking bagay ‘yun. Hindi ako nagdalawang-isip na pumunta dito.”

Ikinatuwa rin ni Arado na makakasama niya sa PLDT si Mendrez, na naging teammate niya sa UE, gayundin si De Leon.

“Malaking bagay din na makakasama ko sila kasi mayroon din kaming hindi natapos sa Petro Gazz noon,” aniya.

Target ng PLDT na bumawi mula sa nakadidismayang kampanya noong 2021 kung saan hindi ito nakapasok sa playoffs, at tumapos sa seventh place. Pinanatili ng koponan ang apat na  players lamang mula sa lineup nito noong nakaraang taon at pinalitan si head coach Roger Gorayeb ni George Pascua.

Plano ng  PVL na simulan ang season sa pamamagitan ng Open Conference sa February 16 tampok ang 10 koponan sa Paco Arena Events and Sports Center sa Maynila o sa Royale Tagaytay sa isang bubble setup.