PVL: BACK-TO-BACK WINS SA FARM FRESH

Mga laro bukas:
(Minglanilla Sports Complex, Cebu)
4 p.m. – Nxled vs Cignal
6:30 p.m. – Capital1 vs Galeries Tower

NAKOPO ng Farm Fresh ang unang winning streak nito sa Premier Volleyball League All-Filipino Conference kasunod ng 26-24, 13-25, 25-21, 25-19 panalo sa ZUS Coffee kagabi sa Araneta Coliseum.

Humataw si Trisha Tubu ng 28 points sa 27-of-56 spikes at humabol ang Foxies upang magwagi sa extended first set at nalusutan ang flat second set sa pagwawagi sa sumunod na dalawang set upang mamayani at putulin ang two-match winning streak ng Thunderbelles

Unti-unting umaangat sa ilalim ni bagong coach Benson Bocboc, ang Farm Fresh ay tumabla sa ZUS Coffee at Akari sa 2-2.

“Sa nakikita natin kung paano sila gumagalaw. So kapag may nakita tayong hindi maganda, hindi nag-aayon doon sa normal nilang galaw, eh kailangan nating i-tama agad natin yung direksyon. Iyon iyong nangyari kanina,” sabi ni Bocboc.

“Sa dalawang set, medyo off na off talaga. So iyon yung mga bagay na ayusin namin kasi kailangang masanay silang lumaban at maglaro ng mas marami pang matches,” dagdag pa niya.

Kumana si Alyssa Bertalano ng 2 blocks at 2 service aces upang tumapos na may 12 points na sinamahan ng 12 digs at 12 receptions habang nagdagdag si Rizza Cruz ng 8 points, kabilang ang 2 blocks para sa Foxies.

Nanguna si top rookie pick Thea Gagate para sa Thunderbelles na may 16 points, kabilang ang match-best 3 blocks, habang nagpakawala si Chinnie Arroyo ng 2 service aces para sa 10-point outing.

Umiskor din si Jovelyn Gonzaga ng 10 points at may 9 receptions at 8 digs.