PVL: BUENA MANO SA CHOCO MUCHO

Mga laro sa Martes:
(Philsports Arena)
4 p.m. – PLDT vs F2 Logistics
6:30 p.m. – Chery Tiggo vs Cignal

BINIGYAN ng Choco Mucho si decorated coach Dante Alinsunurin ng winning debut sa 25-15, 25-20, 25-20 pagwalis sa Akari sa pagbubukas ng Premier Volleyball League All-Filipino Conference sa harap ng 9,819 fans kahapon sa Araneta Coliseum.

Hinawakan ang isa sa pinakasikat na koponan sa liga, si Alinsunurin, isang matagumpay na men’s collegiate at club coach, ay sobra ang saya sa pagbibigay sa Flying Titans ng magandang simula na magsisilbing confidence booster.

“Sobrang saya,” sabi ni Alinsunurin. “Thankful din ako sa mga players at coaching staff na nagtulong-tulong para makuha ang game na ito.”

“Sobrang masaya talaga. Kasi kinikilabutan ako kasi siguro, first time kong manalo sa PVL kaya ngayon, ramdam na ramdam ko ang pagkapanalo namin,” dagdag pa niya.

“Mas ginaganahan ako kasi alam ko yung team Choco Mucho, mas maraming fans talaga. Nakikita ko yung ginagawa yung team. Mas lalong nagbu-boost yung gusto naming mangyari sa loob ng court.”

Balik sa kanyang nakagawiang posisyon sa middle, si Maddie Madayag ay solid para sa Flying Titans na may 11 points, kabilang ang 9-of-12 mula sa spikes.

“I’m very happy na binigyan ako ni coach Dante ng opportunity for my redemption,” sabi ni Madayag, na nagtamo ng knee injury noong August 2021 sa Bacarra, Ilocos Norte bubble.

“Ang tagal ng recovery ko at sobrang sakit noong pagkabagsak ko noon. And sobrang saya lang na nakabawi ako ngayong game,” dagdag pa niya.

“But hindi kami titigil sa game na ito. Tuloy-tuloy pa rin.”

Umiskor din sina Bea de Leon at Kat Tolentino ng 11 points para sa Choco Mucho habang kumana si setter Deanna Wong ng match-best two blocks at gumawa ng 21 excellent sets. Nagpakawala rin si De Leon ng tatlong service aces.

Impresibo si Des Cheng sa depensa ng Flying Titans na may 14 receptions at 9 digs.

Nagtala si Dindin Santiago-Manabat, sa kanyang unang laro para sa Chargers, ng 17 points habang nag-ambag si Janine Marciano ng 12 points.

Gumawa si Akari setter Michelle Cobb ng dalawang service aces subalit mayroon lamang 9 excellent sets.