PVL PHOTO
Mga laro ngayon:
(Philsports Arena)
4 p.m. – Capital1 vs Akari
6 p.m. – Cignal vs Chery Tiggo
MAGSASALPUKAN ang Chery Tiggo at Cignal sa laro na may malaking implikasyon sa kani-kanilang semifinal bids sa Premier Volleyball League All-Filipino Conference ngayong Huwebes sa Philsports Arena.
Ang 6 p.m. encounter ay krusyal sa parehong koponan, na tabla sa fifth place na may 5-2 records, kung saan ang mananalo ay hindi lamang makakatabla ng Creamline at PetroGazz sa third place kundi makukuha rin ang krusyal na momentum sa pagpasok ng final stretch ng preliminary round.
Subalit tangan ng Crossovers ang maliit na bentahe pagdating sa momentum, makaraang manalo sa kanilang huling tatlong laro kasunod ng hindi inaasahang pagkatalo sa Farm Fresh. Ang impresibong streak na ito ay kinabibilangan ng mga panalo laban sa powerhouse teams tulad ng Cool Smashers at ng thrilling five-set win kontra Angels.
Ang HD Spikers ay natalo sa Choco Mucho at Creamline, subalit bumawi sa panalo sa Foxies noong nakaraang Huwebes.
Sasandal si Cignal coach Shaq delos Santos kina Jovelyn Gonzaga, Ces Molina, Rose Doria, Riri Meneses, Vanie Gandler at playmaker Gel Cayuna.
Sasandig naman si coach Kungfu Reyes sa mga player na may high-scoring performances, sa pangunguna ng magkapatid na Eya at EJ Laure, Mylene Paat at Ara Galang.
Makakatuwang nila sina captain Aby Maraño, Cza Carandang, Cess Robles at Pauline Gaston.