Mga laro bukas:
(Smart Araneta Coliseum)
4 p.m. – Farm Fresh vs ZUS Coffee
6:30 p.m. – PetroGazz vs Akari
IPINALASAP ng Chery Tiggo sa PLDT ang unang kabiguan nito sa Premier Volleyball League All-Filipino Conference sa 25-12, 25-23, 20-25, 25-22 panalo kagabi sa Smart Araneta Coliseum.
Pinangunahan nina dating college teammates Cess Robles at Jen Nierva ang Crossovers sa pagtala ng kanilang unang winning streak sa season, habang nakatabla ang High Speed Hitters sa 3-1.
Umiskor si Robles ng 17 points, kabilang ang 2 blocks, upang pangunahan ang Chery Tiggo, haban abala si Nierva sa pagsalag sa mga atake ni PLDT ace Savi Davison, at nakakolekta ng 17 digs at 16 receptions.
“Masaya po kami kasi lahat ng pinagtrabahuan namin in the past few days, nagawa namin. Lahat ng plan namin, lahat ng sabi ng coaches and kung ano iyong pag-aadjust namin sa kalaban,” sabi ni Robles.
Gumana ang pre-match preparations ni Nierva kontra High Speed Hitters.
“I started my day watching PLDT. I have six pages kung paano sila lalaruin and I think that’s something new that I did today that really worked and nakita ko na effective talaga kapag aaralin lang yung intention mo is to really read the opponent and mas madali gumalaw inside the court kung alam mo or kilala mo at alam mo ‘yung galaw ng kalaban,” ani Nierva.
Nakatulong din na nabigo ang High Speed Hitters na makaiskor ng ace sa 83 attempts mula sa service line.
Tumapos pa rin si Davison na may match-best 27 points, kabilang ang 3 blocks, subalit nahirapan ang Fil-Canadian na makagawa ng kills sa 24-of-69 kills.
Kumana rin si Ara Galang ng 2 blocks para sa 13-point effort habang nagdagdag si Shaya Adorador ng 11 points, kabilang ang match-winner, at may 6 receptions para sa Crossovers.
Si Pauline Gaston ang isa pang Chery Tiggo sa double digits na may 10 points habang gumawa si setter Alina Bicar ng 15 excellent sets at nakakolekta ng 6 digs.
Nag-ambag si Erika Santos ng 13 points habang umiskor si Dell Palomata ng 9 points mula sa blocks para sa PLDT.