PVL: CHERY TIGGO, PLDT SASALANG NA

Mga laro ngayon:
(Philsports Arena)
4 p.m. – PLDT vs Nxled
6:30 p.m. – Chery Tiggo vs Capital1

UMAASANG maisantabi ang heartbreak sa nakaraang season, ipaparada ng PLDT ang isang intact roster sa pagharap sa defensive-minded Nxled side sa Premier Volleyball League All-Filipino Conference ngayong Martes sa Philsports Arena.

Pinangungunahan ni Fil-Canadian Savi Davison, na ang pagbabalik ay makadaragdag sa lalim at lakas sa kanilang opensa, inaasahang sasandal ang High Speed Hitters sa katatagan ng kanilang roster at teamwork.

Si Davison, kasama sina returning Dell Palomata, Majoy Baron, Mika Reyes, Erika Santos at Jovie Prado, ay isang formidable lineup na nagkaroon ng oras na bumuo ng malakas na team chemistry.

Bagama’t wala pang katiyakan kung lalaro na si Kim Kianna Dy dahil sa injury, kumpiyansa ang PLDT sa kakayahan nito na magsagawa ng well-rounded offensive at defensive game upang manatiling isa sa elite teams.

Maghaharap ang High Speed Hitters at Chameleons sa alas-4 ng hapon.

Magsasagupa naman ang restructured Chery Tiggo squad at ang rejuvenated Capital1 team sa alas-6:30 ng gabi.

Ang mananalo ay sasamahan ang opening day winners Akari at PetroGazz sa maagang liderato.