BACK-TO-BACK wins sa Cignal. Kuha ni RUDY ESPERAS
Mga laro bukas:
(Philsports Arena)
1 p.m. – Farm Fresh vs PLDT
3 p.m. – Creamline vs Nxled
5 p.m. – Galeries Tower vs Chery Tiggo
NAGBUHOS si MJ Perez ng 30 points at pinatunayan ni converted libero Judith Abil na hindi tsamba ang kanyang performance sa opener nang malusutan ng Cignal ang hard-fighting ZUS Coffee, 25-18, 29-27, 21-25, 25-22, para sa kanilang ikalawang sunod na panalo sa Premier Volleyball League Reinforced Conference kahapon sa Philsports Arena.
Nagpakawala si Perez ng 3 service aces at nagtala ng 10 receptions upang pangunahan ang HD Spikers sa pagpapanatili sa kanilang unbeaten record sa Pool B.
“Well, ‘yun talaga din ‘yung main reason kung bakit namin siya kinuha. Alam namin yung kaya niyang gawin and I’m sure hindi siya satisfied sa laro niya, pero naka-30 points pa rin siya,” sabi ni coach Shaq delos Santos.
Sa sumunod na laro, humataw si American Oly Okaro ng season-high 38 points at sinamahan ng Akari ang Cignal sa liderato ng Pool B sa 2-0 sa pamamagitan ng reverse sweep sa Choco Mucho, 18-25, 16-25, 25-21, 25-23, 15-13.
Nalasap ng Sisi Rondina-less Flying Titans ang ikalawang sunod na talo.
Si Okaro ay may 33 kills, kabilang ang match winner, 3 service aces at 2 blocks para sa Chargers.
Ito ang unang panalo ng Akari laban sa Choco Mucho magmula noong Nov. 3, 2022, na isa ring five-set thriller, 27-29, 25-21, 25-19, 21-25, 15-12, kung saan naitala ni Dominican Republic’s Prisilla Rivera ang scoring mark ng liga na 44 points.
Sa unang pagkakataon sa kasaysayan ng koponan ay nagsimula ang Flying Titans sa 0-2.
Sa kabila ng kanyang impresibong performance, binigyang-diin ni Perez, umiskor ng 22 points kontra Choco Mucho sa kanyang unang laro sa pagbabalik sa Pilipinas noong nakaraang Huwebes, ang pangangailangan na maging consistent pa ang koponan.
“We made some changes and we were able to turn the game to our side,” sabi ni Perez. “We have to keep working, especially on our consistency, we have to be consistent all throughout. That’s what was missing in our game today (yesterday).”
Nakakolekta si Abil ng 10 digs at 10 receptions bago siya pinalitan ni veteran libero Jheck Dionela upang tapusin ang two-hour, 13-minute match.
“Sobrang happy at proud kami kay Judith kasi hindi madali ang role na ibinigay namin sa kanya. Imagine from attacker for how many years na naging libero,” wika ni Delos Santos.
“Ang good thing, lagi siyang ready. Sobrang ready at aggressive talaga na matuto. Sa tingin ko kanina, may konting pressure siyang nararamdaman pero ang good thing kasi, medyo senior player na rin ito. I think malaking din tulong sa amin iyong na naha-handle niya yung sarili niya kahit medyo mabigat ang ibinibigay naming role sa kanya,” dagdag pa niya.
Nag-ambag si Ces Molina ng 16-point output, kabilang ang match-best 4 service aces, umiskor sina Jackie Acuña at Riri Meneses ng tig-11 points, habang tumapos si Basas na may 8 points at 11 digs para sa HD Spikers.
Nagtala si Grethcel Soltones ng 12 points, 13 receptions at 9’ digs habang nagdagdag si Ivy Lacsina ng 10 points at 12 receptions para sa Chargers.
Naglaro laban sa kanyang dating koponan sa unang pagkakataon, nanguna si Dindin Manabat para sa Flying Titans na may 16 points habang nagtala si Greek Zui Faki ng 14 points, 14 digs at 12 receptions. Nag-ambag si Royse Tubino ng 12 kills.
Umiskor si Japanese Asaka Tamaru, nanguna sa mainit na paghahabol ng ZUS Coffee sa third set, ng 23 points at nakakuha ng suporta kina Gayle Pascual at Michelle Gamit, na kumamada ng 14 at 13 points, ayon sa pagkakasunod.