Mga laro ngayon:
(Philsports Arena)
4 p.m. – Kinh Bac Bac Ninh vs Creamline
6:30 p.m. – F2 Logistics vs Kurashiki
SUMANDAL ang Kurashiki Ablaze ng Japan sa superb playmaking ni Ohshima Kyoka upang ilagay ang Cignal sa bingit ng pagkakasibak sa pamamagitan ng 25-23, 25-16, 25-23 panalo sa Premier Volleyball League Invitational Conference kahapon sa Philsports Arena.
Nagpasiklab si Kyoka, hindi nakapaglaro sa four-set win ng Ablaze kontra Vietnam’s Kinh Bac Bac Ninh noong Sabado, sa kanyang distribution of plays na may 22 excellent sets bukod sa 2 attacks at 1 block.
Sa net defense ng HD Spikers, binigyang-diin ni Kyoka ang pangangailangan ng kanyang koponan na magkaroon ng magandang spikes upang mamayani sa one-hour, 35-minute contest.
“Malakas ‘yung Cignal, ‘yung height nila. Mataas ‘yung block kaya naisip nila kung paanong ayusin ang block,” sabi ni Kyoka sa pamamagitan ng isang interpreter.
Makaraang magbuhos ng 29 points kontra Vietnamese, muling nanalasa si Tamaru Asaka para sa Japanese third-division club na may16 points, Nagdagdag si Taniguchi Saya ng 11 points, kabilang ang isanga service ace, habang nakalikom si Yano Yukino ng 10 points, 12 digs at 8 receptions.
Umaasa ang Kurashiki, na umangat sa 2-0 kartada sa likod ng perfect 3-0 record ng Creamline, na mapanatili ang kanilang unbeaten run at mapalakas ang kampanya na umusad sa Finals kontra F2 Logistics ngayong alas-6:30 ng gabi sa parehong Pasig venue.
Nagtala si Ces Molina ng 12 points, 10 digs at 8 receptions para sa HD Spikers, na nalasap ang ika-3 pagkatalo sa apat na laro.
Kailangang talunin ng Cignal ang Kinh Bac Bac Ninh “convincingly’ sa Huwebes at umasang hindi maka-3 panalo ang Kurashiki upang manatili sa championship hunt.