PVL: CIGNAL NABAWI ANG TOP SPOT

Mga laro sa Martes:
(Philsports Arena)
4 p.m. – PetroGazz vs PLDT
6:30 p.m. – Chery Tiggo vs Akari

NAGPOSTE si Vanie Gandler ng 13 points at 6 digs at nanatiling walang talo ang Cignal kasunod ng 25-18, 25-22, 25-23 pagbasura sa Nxled sa Premier Volleyball League All-Filipino Conference preliminaries kagabi sa Minglanilla Sports Complex sa Cebu.

Nabawi ng HD Spikers ang top spot na may 4-0 record, habang ipinalasap sa Chameleons ang kanilang ika-5 sunod na kabiguan.

Nakakuha rin ang Cignal ng suporta kina Ces Molina, na bumanat ng 10 kills, libero Dawn Catindig, na nakakolekta ng 12 digs, at setter Gel Cayuna, na gunawa ng 11 excellent sets.

Kuminang si Gandler, na pinabilib ang Cebuano crowd na may 9 kills, match-best 3 blocks at 1 service ace.

Sa kabila ng sandaling power interruption sa third set, ang HD Spikers ay nagpakita ng katatagan upang makumpleto ang straight-set romp.

“Siyempre happy kami kasi nakuha namin ang panalo,” sabi ni Cignal coach Shaq delos Santos.

Kumamada si Chiara Permentilla ng 18 attacks at 6 digs upang pangunahan ang Nxled habang nagdagdag si Lycha Ebon ng 10 points.