NAPALUHOD si Angelica Cayuna ng Cignal sa pagsalba sa bola sa kanilang laro kontra Farm Fresh sa Premier Volleyball League All-Filipino Conference kahapon sa Philsports Arena. Kuha ni RUDY ESPERAS
Mga laro bukas:
(Santa Rosa Multipurpose Sports Complex)
2 p.m. – Galeries Tower vs Akari
4 p.m. – Capital1 vs Choco Mucho
6 p.m. – PetroGazz vs Creamline
MAGAAN na dinispatsa ng Cignal ang Farm Fresh, 25-10, 25-14, 25-15, upang sumalo sa fourth place sa Premier Volleyball League All-Filipino Conference kahapon sa Philsports Arena.
Sa likod ng mahusay na playmaking ni Gel Cayuna, ang opensa ng Cignal’, sa pangunguna nina Jovelyn Gonzaga, Vanie Gandler, Ces Molina at Rose Doria, ay hindi nagpaawat.
“Sobrang happy and thankful kasi yung mga pinaghirapan talaga namin before the (Holy Week) break and after, na-apply naming ng maayos,” sabi ni HD Spikers coach Shaq delos Santos. “Ang isang challenge lang sa amin ay paano namin mami-maintain the whole game.”
Umangat ang Cignal sa 5-2 kapantay ang PetroGazz at Chery Tiggo sa likod ng joint leaders Choco Mucho, PLDT at Creamline, na pawang may 6-1 kartada.
“Every game is a must-win for us,” sabi ni Doria.
Kumana si Gonzaga ng 17 points, kabilang ang 2 service aces, 10 digs at 7 receptions, gumawa si Molina ng 11 points, kabilang ang match-best four aces, habang nagdagdag si Gandler ng 10 kills para sa HD Spikers. Tumapos si Cayuna na may 18 excellent sets.
Bumagsak ang Farm Fresh sa 2-5 kasama ang Akari at Galeries Tower.