Standings W L
Creamline 4 1
F2 Logistics 4 1
PLDT 3 1
Chery Tiggo 3 2
PetroGazz 2 2
Choco Mucho 2 2
Akari 1 3
Cignal 1 4
Army-Black Mamba 0 4
Mga laro ngayon:
(Philsports Arena)
4 p.m. – Creamline vs Army-Black Mamba
6:30 p.m. – Akari vs PLDT
SISIKAPIN ng Creamline na makalapit sa pagkopo ng isang puwesto sa semifinals sa pagsagupa sa Army-Black Mamba sa Premier Volleyball League All-Filipino Conference ngayon sa Philsports Arena.
Habang nananatiling naka-sideline si Alyssa Valdez dahil sa knee injury, kahit paano ay nakahanap ng paraan ang Cool Smashers para makaalagwa sa kanilang malalim na offensive arsenal at inaasahang mamamayani sa 4p.m. showdown sa wala pang panalong Lady Troopers.
“Siyempre, ‘yung team namin talagang kailangan pang mag-improve kasi hindi pa naman tested ‘yung first namin about long competition. Na-test lang naman ‘yung first six nito sa AVC (Cup for Women), it’s one week lang,” sabi ni Creamline coach Sherwin Meneses.
“So let’s see ‘yung magiging programa pa ng matagal ano kasi one month pa almost ‘yung liga. So, mag-iimprove pa naman ang team namin. As of now, okay naman siguro,” dagdag pa niya.
Sa pagiging isa sa vital cogs para punan ang malaking butas na iniwan ni Valdez sa court, doble kayod si Jema Galanza, ang second leading scorer ng liga, upang manattiling lumalaban ang Cool Smashers kahit wala ang kanilang main leader.
“Sabi nga ni coach, one game at a time talaga. And again, walang madali dito sa liga natin. Talagang paghihirapan namin ng bawat isa, ng buong team yung laro namin sa mga susunod, and heto nga, sa Army,” sabi ni Galanza.
“Volleyball everyday,” dagdag pa niya.
Galing sa 17-25, 25-11, 25-19, 25-21 panalo kontra Chery Tiggo noong Sabado, ang Creamline ay kasalukuyang tabla sa walang larong F2 Logistics sa 4-1.
Sisikapin naman ng PLDT, nasa ikatlong puwesto na may 3-1 record, na makalapit sa league leaders sa pagharap sa Akari sa isa pang laro sa alas-6:30 ng gabi.
Matapos ang mabigat na season-opening five-set loss sa Cargo Movers, ang High Speed Hitters ay hindi pa natatalo kung saan naging epektibo ang rotation ni coach Rald Ricafort, kabilang si Mean Mendrez sa pagiging starter.
Ang Chargers ay nakapagpahinga ng isang linggo matapos gapiin ang Lady Troopers, 25-18, 25-19, 23-25, 25-19, na tumapos sa kanilang three-match slide.