PVL: COOL SMASHERS, LADY TROOPERS SA SEMIS

lady troopers

BINOMBA ng Creamline ang wala pang panalong BaliPure, 25-19, 25-15, 25-18, upang maitarak ang ika-9 na sunod na panalo sa Premier Volleyball League Reinforced Conference kahapon sa FilOil Flying V Center sa San Juan.

Inspiradong naglaro si birthday-girl Alyssa Valdez sa harap ng Cool Smashers supporters na nagtsi-cheer sa kanya.

Tinapos ng Creamline ang eliminations na may 9-1 kartada, habang nasibak ang Water Defenders na may 0-10.

Pinalitan ni Kyle Negrito si injured Jia Morado, kung saan nagbigay siya ng  17 excellent sets bukod sa pagkamada ng limang puntos mula sa service area.

Hinihintay pa ng Cool Smashers ang resulta ng laban sa pagitan ng PetroGazz (8-1) at ng Motolite (3-6) para malaman ang kanilang seeding sa Final Four. Tangan ng PacificTown Army ang No. 3 seed sa Final Four.

Makakaharap ng Creamline ang PacificTown-Army sa semis kapag namayani ang PetroGazz kontra Motolite sa huling laro sa Sabado.

Kung hindi ay aakyat ang Cool Smashers bilang top team at makakasagupa ang No. 4 semifinal qualifiers.

Nakasambot ng puwesto sa semifinals ang Lady Troopers makaraang pataubin ang BanKo, 25-18, 25-14, 25-20.

Sinamantala ni Ukrainian Lena Lymareva-Flink ang masamang laro ng Perlas Spikers upang pangunahan ang Lady Troopers sa kanilang ika-5 panalo sa 10 asignatura na pumutol sa two-game slump ng Pacific-Town Army.

Comments are closed.