Todo suporta si Alyssa Valdez ng Creamline sa kanilang bagong starting setter na si Kyle Negrito. PVL PHOTO
Mga laro ngayon:
(Batangas City Sports Center)
4 p.m. – PetroGazz vs Gerflor
6 p.m. – Creamline vs Cignal
MAGSASAGUPA ang Creamline at Cignal sa maagang duelo ng mga paborito sa Premiere Volleyball League Second All-Filipino Conference ngayon sa Batangas City Sports Center.
Ang magwawagi sa 6 p.m. match ay sososyo sa liderato sa walang larong Chery Tiggo (2-0).
Target din ng Petro-Gazz na sumalo sa top spot sa 4 p.m.clash sa Gerflor.
Umaasa ang Cool Smashers na maipagpatuloy ang kanilang dynasty sa liga kahit wala ang kanilang vital cogs na sina Jia de Guzman at Ced Domingo.
Tulad ni De Guzman, na maglalaro sa Japan V.League’s Denso Airybees, dadalhin din ni Domingo ang kanyang talento sa ibang bansa sa hindi pa batid na koponan.
“I guess what’s nice talaga, very special ang conference na ito. Kasi nga, we are very unpredictable, we don’t know what to expect also from our team. We just work hard, nagta-trabaho kami. So I think ‘yun ang isang motivation this year,” pahayag ni team captain Alyssa Valdez makaraang simulan ng Creamline ang kanilang kampanya sa 25-18, 25-16, 24-26, 25-21 panalo kontra Choco Mucho noong nakaraang Linggo.
“Ang sarap lang maglaro kasama ng mga teammates ko ngayon at mga coaches, talagang very very professional.
One game pa lang, malayo pa. Mahaba-haba pa,” dagdag pa niya.
Solido si Kyle Negrito bilang bagong starting playmaker ng Cool Smashers habang ginagawa ni Risa Sato ang lahat para punan ang butas na iniwan ni Domingo sa gitna.
“Hindi puwedeng balewalain ang Creamline kahit kulang sila kasi isa ang sistema nila. So pagtatrabahuan namin,” ani HD Spikers skipper Ces Molina.
Sinimulan ng Cignal, ang Invitational Conference third placers, ang kanilang kampanya sa 25-16, 20-25, 25-21, 25-20 panalo laban sa PLDT noong nakaraang Linggo