PVL: CREAMLINE, CIGNAL MAINIT ANG SIMULA

Mga laro bukas:
(Mall of Asia Arena)
4 p.m. – Cignal vs EST Cola
6 p.m. – Creamline vs Kurashiki

SANTA ROSA, Laguna – Dinispatsa ng Creamline, wala pang 48 oras makaraang makopo ang record ninth title, ang EST Cola ng Thailand, 25-13, 25-12, 25-15, sa Premier Volleyball League Invitational Conference kahapon sa Santa Rosa Multipurpose Sports Complex dito.

Umiskor si newly-minted Reinforced Conference MVP Bernadeth Pons ng 10 points sa 8-of-20 kills at 2 blocks, na sinamahan ng 8 digs at 7 receptions upang pangunahan ang Cool Smashers sa panalo.

Nagtala si MJ Perez, pinatunayan na karapat-dapat siya na maging Best Guest Player noong nakaraang conference, ng 16 points, 10 digs at 4 receptions sa 25-16, 25-10, 25-18 panalo ng Cignal kontra Farm Fresh,

Nanatili ang husay ng Cool Smashers sa kabila ng mabilis na turnaround mula sa pagwawagi ng Reinforced crown at paglalaro sa kanilang Invitational opener. Winalis ng Creamline ang Akari noong Miyerkoles upang lumapit sa Grand Slam.

“Our mindset is to forget the previous conference, that’s behind us now,” wika ni Pons. “This is a new conference, so we need to focus and work even harder.”

Nanguna si Michele Gumabao sa scoring para sa Creamline na may 14 points at nakakolekta ng 8 digs habang gumawa si Kyle Negrito ng 15 excellent sets at nagpakawala ng match-best two service aces.

Umiskor si American Erica Staunton ng 8 points habang nag-ambag si Bea de Leon ng 7 points para sa Cool Smashers.

“One game at a time talaga kasi hindi madali talaga ang dadaanan namin just like noong Reinforced. Focus muna kami sa training (yesterday) then sa Sunday versus Kurashiki, paghandaan namin mabuti,” sabi ni Creamline coach Sherwin Meneses.

Makakasagupa ng Cool Smashers ang Ablaze sa rematch ng Final noong nakaraang taon na napagwagian ng Japanese club, bukas, Linggo.

Nanguna si Warisara Seetaloed para sa Thais na may 7 points at 14 receptions habang nagdagdag si Kwannaphat Nuawan ng 6 points.