LUMAPIT ang Creamline sa ika-5 sunod na Premier Volleyball League All-Filipino finals appearance makaraang gapiin ang F2 Logistics, 26-24, 25-18, 22-25, 25-15, sa Game 1 ng semis kahapon sa jampacked Philsports Arena.
Siniguro ng Cool Smashers sa harap ng 6,471 fans na hindi sila mabibigo.
“Syempre, happy kami kasi it’s [the] semifinals na eh. So, timing ‘yung pagkapanalo namin, ,” sabi ni Creamline head coach Sherwin Meneses makaraang makaisa ang Rebisco-backed squad kontra Cargo Movers matapos na matalo sa kanilang huling dalawang match-ups.
“Pero hindi pa naman tapos ‘yung laban. So, kailangan pa talaga mag-prepare. Pero happy kami nakaisa na kami sa F2,” dagdag pa niya matapos ang laro na tumagal ng dalawang oras at 20 minuto.
Nagbuhos si Tots Carlos ng 22 points sa 22 attacks, at nag-ambag ng 17 excellent digs at 15 excellent receptions, para sa triple-double. Kumana si Michele Gumabao, itinanghal na ‘best player of the game’ ng 20 points.
Nagdagdag si Jema Galanza ng 12 points at 9 excellent receptions, habang umiskor si Jeanette Panaga ng 11 points para sa Creamline na naglaro ss semis sa unang pagkakataon na wala si team captain Alyssa Valdez, na nagpapagaling sa right knee injury.
Gumawa si Jia De Guzman ng 26 excellent sets, habang nakakolekta si Kyla Atienza ng 22 excellent digs.
Sisikapin ng Cool Smashers na tapusin ang serye sa Martes sa SM Mall of Asia Arena.
Samanta, naglaro ang F2 Logistics na wala si Myla Pablo, na nagpapagaling sa cramps na kanyang natamo sa kanilang naunang laban kontra Choco Mucho noong March 7.
Nanguna si Kianna Dy para sa Cargo Movers na may 13 points, habang umiskor sina Elaine Kasilag at Ivy Lacsina ng 11 at 10 points, ayon sa pagkakasunod.