PVL: CREAMLINE LUMAPIT SA BRONZE

Mga laro sa Martes:
(Philsports Arena)
2:30 p.m. – Chery Tiggo vs Creamline (3rd Place)
5:30 p.m. – Cignal vs PetroGazz (Finals, Game 2)

NAPANTAYAN ni Jeanette Panaga ang season-high sa blocks nang gapiin ng Creamline, hindi nakapasok sa Finals sa unang pagkakataon magmula noong 2017, ang Chery Tiggo, 25-22, 22-25, 25-5, 25-19, upang lumapit sa pagkopo ng third place sa Premier Volleyball League Reinforced Conference kahapon sa Araneta Coliseum.

Ginawa ang lahat bilang isa sa starting middle blockers sa opener, si Panaga ay nagsilbing tinik sa opensa ng Crossovers nang magtala ng 9 blocks. Nakuha ng Cool Smashers ang 1-0 lead sa series.

Napantayan ni Panaga ang season mark ni Roselyn Doria sa 17-25, 20-25, 27-25, 25-22, 15-5 victory ng Cignal kontra PLDT sa duelo para sa bronze medal sa Invitational Conference noong nakaraang August 14.

Galing sa heartbreak makaraang matalo via tiebreak sa finalists Cignal at PetroGazz na tumapos sa kanilang Grand Slam bid, nais ni Creamline coach Sherwin Meneses na magpokus ang kanyang tropa sa pagtamo ng best possible finish.

“Siyempre, mahirap. Especially kahapon ‘yung sa training namin, nag-usap-usap kami at wala na tayong magagawa diyan. Just finish strong lang. Kung ito lang ‘yung aabutin lang natin ngayon sa last conference, eh tanggapin natin. Bawi na lang kami sa mga susunod na conference,” sabi ni Meneses.

Umaasa ang Cool Smashers na matapos ang serye sa Game 2 sa Martes, alas-2:30 ng hapon, sa Philsports Arena.

Nagtala si Tots Carlos, isang two-time conference MVP winner na naging starter kapalit ni reinforcement Yeliz Basa, ng 19 points atb17 digs, habang nag-ambag si Alyssa Valdez ng 16 points, kabilang ang 4 blocks, at 10 digs para sa Creamline.

Nagdagdag si Michele Gumabao, isang substitute sa bawat set, ng 11 points habang si Jema Galanza ang isa pang Cool Smashers player na nagtala ng double digits na may 10 points.

Kumarera ang Creamline sa 16-1 lead at kalaunan ay nalimitahan ang Chery Tiggo sa season-low five points.

Nanguna si Roselle Baliton para sa Chery Tiggo na may 10 points, kabilang ang 5 blocks at 2 service aces, habang kumana rin si Jelena Cvijovic ng 2 aces para sa nine-point outing.

Nasa kanyang pinakamasamang laro si Mylene Paat para sa Crossovers na may conference-low eight points sa 7-of-54 attacks.