Mga laro bukas:
(Philsports Arena)
4 p.m. – Choco Mucho vs Cignal
6 p.m. – Creamline vs Chery Tiggo
WINALIS ng Creamline ang Chery Tiggo, 25-18, 27-25, 25-22, upang lumapit sa pagkopo ng isang puwesto sa Premier Volleyball League Second All-Filipino Conference Finals kahapon sa Philsports Arena.
Nagpakita ang Cool Smashers ng katatagan sa extended second set at dinurog ang anumang pag-asa ng Crossovers upang kunin ang semis opener.
Walang talo sa 12 matches, tatangkain ng Creamline na makopo ang ika-10 championship appearance sa kabuuan sa Game 2 bukas, alas-6 ng gabi.
“Siyempre, hindi pa tapos ang laban. Kailangan pa namin ng one game para makapasok sa Finals. Training muna kami tomorrow (today) then tignan muna yung mga lapses namin para maganda pa ang ilalaro namin,” sabi ni Cool Smashers coach Sherwin Meneses.
Sa unang pagkakataon sa season-ending tournament, ang Creamline ay nakakuha ng pinakamagandang performance sa trio nina Jema Galanza, Tots Carlos at Alyssa Valdez.
Si Galanza ay may 16-of-30 attacks upang tumapos na may 17 points at nagtala ng 9 receptions at 7 digs habang umiskor si Carlos ng 15 points at nakakolekta ng 12 digs.
Si Valdez ay nasa kanyang pinakamagandang laro sa conference na may 12 points at naging bayani sa second set.
“We all know Chery Tiggo will give us a good fight talaga. So every point we will have to work hard talaga so iyon ang naka-mindset sa amin,” sabi ni Valdez.
“We were grateful na nakuha namin ang second set. Very crucial,” dagdag pa niya.
Binigyang kredito ni Galanza ang kanyang teammates sa kanyang consistent play sa opensa at depensa.
“Siguro nagawa ‘yung ganoong laro ko dahil sa mga teammates ko. Kasi tinutulungan po talaga nila talaga ako,” ani Galanza.
Maganda ang distribusyon ng plays ni Kyle Negrito para sa Cool Smashers na may 23 excellent sets.