PVL: CREAMLINE MAINIT NA SINIMULAN ANG TITLE-RETENTION BID

Mga laro ngayon:
(Smart Araneta Coliseum)
3 p.m. – Chery Tiggo vs Farm Fresh
5 p.m. – F2 Logistics vs Akari
7 p.m. – PetroGazz vs Galeries

SA isang performance na nagpagunita sa kanyang panahon sa Far Eastern University, nagpahayag ng kasiyahan si Bernadeth Pons at balik na ang kanyang dating porma sa 25-18, 25-16, 24-26, 25-21 panalo ng Creamline kontra Choco Mucho sa opener ng Premier Volleyball League Second All-Filipino Conference Linggo ng gabi.

Sa harap ng 14,014 fans sa Araneta Coliseum, naitala ni Pons ang lahat maliban sa isa sa kanyang game-high 22 points sa attacks, at nakakolekta ng 11 digs at 7 receptions.

Makaraang ma-bench sa Invitational Conference, si Pons ay handa nang tulungan ang Cool Smashers na magwagi ng isa pang All-Filipino gold.

“Ayun, sobrang saya ako kasi goal ko talaga na makabalik talaga hundred percent eh after nung last conference kasi alam ko na mas marami pa akong maitutulong sa team, so tinrabaho ko talaga every day ‘yung rehab ko kasi ‘yung sa injury ko before,” sabi ni Pons.

“Sobrang saya na nakikita ko na yung hirap ko and mahaba pa ang season so yun, tuloy-tuloy pa,” dagdag ng Talisay, Negros Occidental native.

Naka-move on na na wala si ace setter Jia De Guzman, na naglalaro na ngayon sa Japan V.League club Denso Airybees, sinimulan ng six-time PVL winners ang conference na wala sina libero Kyla Atienza at middle blocker Ced Domingo.

Salamat na lamang at nakahanda si Kyle Negrito na punan ang malaking butas na iniwan ni De Guzman makaraang malusutan ang kanyang unang major test.

“Si ate Jia (De Guzman) naman po bago naman siya umalis, pinrepare naman din niya ‘yung team nang maayos. Hindi naman din niya kami pinabayaan na basta umalis na lang siya so ako rin po, pinrepare din ako ni ate Jia,” sabi ni Negrito, gumawa ng 23 excellent sets at napantayan ang dalawang service aces ni Michele Gumabao.

“My team is very patient. Yun lang po talaga, as in tulad ng sinabi nila coach kanina na talagang itong magiging season na ‘to is magtutulungan talaga kami, magtatrabaho kami every game and syempre simula sa training,” dagdag pa niya.

Samantala, magpapatuloy ang aksiyon ngayon sa Big Dome kung saan anim na koponan ang magtatangkang samahan ang Creamline, Cignal at Nxled sa maagang liderato.

Magsasalpukan ang Chery Tiggo at Farm Fresh sa alas-3 ng hapon, na susundan ng F2 Logistics-Akari match sa alas-5 ng hapon. Tatapusin ng PetroGazz at debuting Galeries ang tripleheader sa alas-7 ng gabi.