PVL: CREAMLINE NO. 1 SA POOL A

Standings W L
Pool A
Creamline 4 1
PLDT 4 1
*Chery Tiggo 3 1
Farm Fresh 2 3
Nxled 1 4
*Galeries Tower 0 4

Pool B
Akari 5 0
Cignal 4 1
Capital1 3 2
PetroGazz 2 3
Choco Mucho 1 4
ZUS Coffee 0 5
*Playing as of press time

IPINAKITA ng Creamline at PLDT ang kanilang kahandaan para sa mas mabigat na laban sa susunod na round ng Premier Volleyball League Reinforced Conference preliminaries nang walisin ang magkahiwalay na katunggali kahapon sa Philsports Arena.

Naitala ng Cool Smashers ang ika-4 na sunod na panalo nang pataubin ang Nxled, 25-18, 25-18, 25-20, upang kunin ang top spot sa Pool A.

Sinira ng High Speed Hitters ang momentum ng Farm Fresh mula sa kanilang back-to-back victories, sa pagtarak ng 25-20, 25-23, 25-23 panalo.

Sasamahan ng Creamline, PLDT at Chery Tiggo, bilang top three teams sa Pool A, ang bottom sides sa Pool B — PetroGazz, Choco Mucho at ZUS Coffee.

Ang isa pang pool ay kinabibilangan ng Pool B winner Akari, Cignal at Capital 1, gayundin ng Pool A’s lower-ranked squads Farm Fresh, Nxled at Galeries Tower.

Ang Top 8 teams matapos ang second round ng preliminaries, na magsisimula bukas, ay aabante sa knockout quarterfinals.

“Mag-focus kami sa one game at a time, siyempre iyon ang napaka-importante,” sabi ni Cool Smashers coach Sherwin Meneses.

“Kahit sino man ang kalaban mo, bottom man o nasa itaas, kailangang paghandaang mabuti. Lalo na palapit ‘yung quarterfinals, ma-improve ang standing namin. Doon kami mag-focus kung sino man ang kalaban,” dagdag pa niya.
Makaraang umiskor ng pinagsamang 51 points sa huling dalawang laro, napanatili ni Bernadeth Pons ang kanyang stellar play na may 13 points, 14 digs at 8 receptions para sa Creamline na patuloy sa pag-angat mula sa conference opening five-set defeat sa PLDT.

Bumanat si American Erica Staunton ng 13 kills habang nagdagdag si Michele Gumabao ng 12 points para sa Creamline.

Masaya ang High Speed Hitters, na tabla sa Cool Smashers sa 4-1, na makabalik sa winning track makaraang matalo sa Crossovers na pumutol sa kanilang three-match unbeaten streak noong nakaraang Sabado.

“Everyone is happy with the adjustments we’ve made, we really worked hard,” wika ni PLDT playmaker Kim Fajardo, na gumawa ng 12 excellent sets at umiskor ng 3 points.

Nagtala si Elena Samoilenko, ranked No. 8 sa scoring bago ang laro, ng 22 points at 9 receptions, habang nag-ambag si Fiola Ceballos ng 11 points at 10 digs.

Ang Foxies, na nahulog sa 2-3, ay pinangunahan ni Trisha Tubu na may 17 points sa 16-of-32 kills.

Nagposte si American Meegan Hart ng 7 points para sa Chameleons, na natalo sa ika-4 na pagkakataon sa limang laro.