Standings W L
Cignal 4 0
Creamline 3 0
PetroGazz 4 1
PLDT 3 2
Chery Tiggo 3 2
Akari 3 3
ZUS Coffee 2 2
Farm Fresh 2 2
Choco Mucho 2 3
Galeries Tower 1 4
Capital1 1 4
Nxled 0 5
Mga laro ngayon:
(Philsports Arena)
4 p.m. – Creamline vs ZUS Coffee
6:30 p.m. – Choco Mucho vs Farm Fresh
TARGET ng Creamline, sariwa mula sa four-set victory laban sa Choco Mucho, ang ika-4 na sunod na panalo sa pagsagupa sa ZUS Coffee sa Premier Volleyball League All-Filipino Conference preliminaries ngayong Huwebes sa Philsports Arena.
Sumasakay sa momentum ng kanilang mainit na 3-0 simula kung saan natalo lamang sila ng isang set, ang Cool Smashers ay pinapaborang magwagi kontra Thunderbelles sa 4 p.m.opener.
Ang panalo ay hindi lamang magbibigay-diin sa matagumpay na taon para sa Creamline, na galing sa Grand Slam season, kundi magdadala sa kanila sa ibabaw ng standings kasama ang Cignal sa 4-0.
“Siyempre, maganda ‘yung bakasyon kung panalo,” sabi ni coach Sherwin Meneses.
Ang Cool Smashers ay napalaban sa Flying Titans bago naitakas ang 25-22, 25-20, 30-32, 25-20 panalo noong nakaraang linggo.
Sisikapin ng Choco Mucho na makabawi mula sa pagkatalo sa Creamline sa pagsagupa sa Farm Fresh sa alas-6:30 ng gabi.
Ang Cool Smashers ay muling pangungunahan nina skipper Alyssa Valdez, Jema Galanza, Michele Gumabao, at Bea de Leon.
Ang ZUS Coffee ay may back-to-back victories bago yumuko sa Foxies, 24-26, 25-13, 21-25, 19-25, na nagbigay sa kanila ng 2-2 record.
“’Yung recruitment ng ZUS Coffee, talagang sobrang ganda. Talagang na-balance ang team nila so hindi mo puwedeng basta-bastahin. Talagang magre-ready kami for the last game of the year,” sabi pa ni Sherwin Meneses.
Pinatunayan ni Thea Gagate ang pagiging most sought-after rookie, habang sina veterans Jovelyn Gonzaga at Chai Troncoso ang nagbigay ng leadership na kinakailangan ng ZUS Coffee.
Samantala, ang Choco Mucho- Farm Fresh showdown ay inaasahang magiging kapana-panabik.
Sa pangunguna nina explosive Sisi Rondina at Kat Tolentino at Isa Molde, ang Flying Titans ay handa sa young Foxies crew na pinangungunahan nina Trisha Tubu at Rizza Cruz.