PVL: CREAMLINE SA SEMIS

NAPILING Best Player of the Game si Jema Galanza ng Creamline makaraang pangunahan ang Cool Smashers sa panalo laban sa Nxled sa PVL 2nd ­All-Filipino Conference kahapon. PVL PHOTO

Mga laro bukas:
(Philsports Arena)

2 p.m. – Cignal vs Nxled

4 p.m. – Akari vs PetroGazz

6 p.m. – Chery Tiggo vs F2 Logistics

NALUSUTAN ng Creamline ang matikas na pakikihamok ng Nxled sa  first at third sets upang maitakas ang 25-23, 25-16, 25-21, panalo at mahila ang kanilang perfect run sa walong laro sa Premier Volleyball League Second All-Filipino Conference kahapon sa Philsports Arena.

Tumapos si Jema Galanza na may 14 points, kabilang ang back-to-back service aces na nagselyo sa straight-set win ng Cool Smashers tungo sa pagkopo ng isang puwesto sa semifinals.

“Lumalaban talaga ‘yung Nxled, so naka-adjust agad ‘yung player namin, lalo na ‘yung sa first set. So siyempre, medyo senior ‘yung team namin, kaya nilang mag-adjust talaga. Naka-recover kami doon sa first set,” sabi nj Creamline coach Sherwin Meneses.

Sa unang laro, napanatiling buhay ng Akari ang kanilang maliit na semis hopes sa 25-14, 25-21, 25-19 pagwalis sa Galeries Towers.

Masaya si Galanza, nagtala rin ng 9 receptions at 8 digs, na naging matatag ang kanyang koponan upang  makabawi sa kanilang  lapses sa laro.

“Kahit may pagkukulang, nakita naman din talaga kung  gaano ka-solid ang team kasi talaga nagtiyaga kami sa first set. Doon kami talaga nasubok kasi madami pang games na ganoon ang mangyayari,” ani Galanza.

“Thankful pa rin kami sa ganoong pangyayari kasi nakita namin kung ano ang kaya naming gawin,” dagdag pa niya.

Nagdagdag si Tots Carlos ng 12 points, habang kumana si Michele Gumabao ng 12-of-23 spikes para sa Creamline, na susunod na makakasagupa ang  Chery Tiggo sa Martes.

Nahulog ang Chameleons, nakakuha ng 14 points at 12 receptions mula kay  Jho Maraguinot, sa 3-6.

Nagtala si Fifi Sharma ng 10-of-17 attacks at 2 blocks upang tumapos na may 12 points habang umiskor si Faith Nisperos ng  12 points at nakakolekta ng 9 digs para sa Chargers.